SA kaso ni former Tarlac Gov. Susan Yap-Sulit, hindi lang pangalan niya ang nakataya. Mismong dangal ng demokrasya ang nakasabit sa balanse. Sa desisyong inilabas ng Comelec Second Division, sinabi nilang hindi siya “residente” ng Tibag, Tarlac dahil ang bahay niya raw “mukhang bodega,” “warehouse-style,” at “hindi typical na tirahan.” Ang problema… hindi sila pumasok sa loob. Walang ocular inspection. Lahat base lang sa nakita mula sa kalsada.
Talagang umabot na po tayo sa ilalim ng bariles. Biro niyo, isang political career, at boto ng libo-libong Pilipino, binawi dahil hindi pasado sa paningin ng ilang opisyal ang itsura ng bahay. Hindi mansyon, hindi photogenic, wala sigurong garden o grotto… kaya hindi raw tahanan. Anong kalokohan ito?
Pero teka: kailan pa naging requirement sa Saligang Batas na dapat pang Instagram ang bahay mo bago ka tawaging residente? Malinaw sa batas: “residence is about intent to return and actual habitation”. Sa madaling salita, hindi dekorasyon, hindi layout, at lalong hindi base sa personal na panlasa.
Kung susundin natin ang lohika ng Comelec Second Division, pwede nang tanggalan ng karapatang tumakbo o bumoto ang kahit sinong Pilipino, dahil lang hindi “typical” ang bahay nila. Pwede kang ma-disqualify kung gawa sa semento, sa yero, o kung tingin nila parang bakery, bodega, o abandonadong lote ang tirahan mo. Ganito na ba kababaw ang pamantayan ng hustisya?
Ang pinaka-masaklap pa, hindi man lang sila pumasok sa gate ng compound. Walang pakikipag-usap sa kapitan. Walang tanong sa mga kapitbahay. Wala. Eh kung ganito rin lang, bakit hindi na lang natin ipa-decide sa Google Maps ang residency cases?
At kung ito’y papayagan, anong susunod? “Ay, ang tunay na bahay dapat may aso at pusa sa loob! Hindi ka tunay na residente! Ay, tuklap-tuklap na yung pintura sa gate mo! Baka hindi ka dito nakatira! Ay, walang Christmas lights! Disqualified ka!”
Hindi lang ito kabaliwan… delikado ito. Dahil sa likod ng isang “mukhang warehouse” decision, ang tunay na nawawala hindi lang kandidatura ni Susan Yap-Sulit, kundi karapatan ng mga botanteng pinili siya. Karapatang protektado ng Konstitusyon, binali dahil lang sa estetikang hindi nagustuhan.
Sa huli, hindi bahay ang sinukat dito, kundi kung gaano kababaw ang tingin ng ilan sa demokrasya
106
