HUWAG GAWING NEGOSYO ANG BAKUNA – SOLON

UMAPELA si Senador Manny Pacquiao sa pamahalaan na huwag gawing negosyo ang pagbili sa gagamiting bakuna sa bansa na magpapahirap lang sa taumbayan.

Ayon kay Pacquiao, nagpapasalamat ito kay Senador Ping Lacson dahil sa ipinakita nitong tapang at malasakit sa taumbayan sa pamamagitan ng panawagan nitong magkaroon ng full transparency sa COVID-19 vaccine procurement program.

“Nananawagan ako na magtulungan tayo at huwag na po natin gawing negosyo itong mga bakuna na ito. Unahin muna natin ang serbisyo para sa ating mga kababayan na sobra-sobra ang paghihirap dahil sa pandemya,” sabi ng Pambansang Kamao.

Aniya, kailangang pagtibayin ang tiwala ng mamamayan sa bisa at kalidad ng mga bakunang ituturok sa kanila at higit dito ay kailangan din na mawala ang anomang agam-agam sa isinasagawang mga hakbang ng ating pamahalaan upang masimulan na ang mass vaccination.

“Buhay at kabuhayan ng ating mamamayan ang nakataya dito kaya kasama natin si Senador Ping at iba pa nating mga kasamahan sa Senado sa kanilang ginagawang sakripisyo upang mabantayan

ang isyung ito. Nagpapasalamat din tayo kay Senate President Tito Sotto dahil sa desisyon nitong buuin ang Committee of the Whole upang ito ay maimbestigahan,” paliwanag pa ni Pacman.

Aniya, nakasaad sa Article 3 Section 7 ng Bill of Rights ang “The right of the people to information on matters of public concern shall be recognized. Access to official records, and to documents and papers pertaining to official acts, transactions, or decisions, as well as to government research data used as basis for policy development, shall be afforded the citizen, subject to such limitations as may be provided by law”.

“Kaya lahat po tayo ay may karapatan na malaman ang lahat ng pinapasok na transaksyon ng gobyerno lalong-lalo na kung ito ay may kinalaman sa kaban ng bayan,” sabi pa ng senador. (NOEL ABUEL)

105

Related posts

Leave a Comment