HYBRID ENERGY NG LGU: BAYARIN BAWAS NG 25%

ANGONO, Rizal — Tumataginting na 25% ang kagyat na natapyas sa singil ng Meralco sa buwanang konsumo ng munisipyo, matapos umpisahan ng lokal na pamahalaan ang paggamit ng hybrid energy sources.

Sa isang kalatas, ibinida ni Municipal Administrator Alan Maniaol ang aniya’y malaking natipid ng munisipyo muna nang magkabit ng mga solar panels sa ibabaw ng bahay pamahalaan nitong nakaraang Marso.

Aniya, sa mga unang buwan ng implementasyon ng hybrid energy system, pumalo agad sa P40,000 ang nabawas sa buwanang singil ng Meralco. Sa datos ng lokal na pamahalaan, lumalaro mula P200,000 hanggang P240,000 ang karaniwang billing statement ng Meralco sa munisipyo ng Angono.

Sa kanyang pagtataya, posibleng umabot pa sa P70,000 – katumbas ng 35% ang buwanang matitipid ng Angono gamit ang mga solar panels kung saan kumukuha ng kuryente ang ilang mga tanggapang nasa bahay-pamahalaan.

“Yes, we’ve been saving roughly 25% since April and we’re expecting as much as 35% slash on our monthly electricity bills in the next few months,” ani Maniaol, kasabay ng giit na isusulong ng pamahalaang bayan ang pagpapalawig ng hybrid power system sa iba pang mga tanggapan at pasilidad sa 10 barangay na sakop ng kanilang bayan.

Hinimok rin ni Maniaol ang 10 barangay units na sundan ang sinimulang hybrid energy system ng munisipyo – “Let’s face it. With or without an energy crisis, we should seriously consider other sources of energy that is cheaper, readily available and sustainable.”\
Sa isang bukod na pahayag, nagpahiwatig naman si Angono Mayor Jerimae Calderon sa Sangguniang Bayan na pag-aralan kung paano mapakikinabangan ng mga maralitang residente ng Angono ang pondong natitipid ng munisipyo mula sa buwanang singil ng Meralco. (ENOCK ECHAGUE)

150

Related posts

Leave a Comment