BILANG tugon sa mga reklamo ng vote buying ngayong umarangkada na rin ang kampanyahan sa lokal na posisyon, bubuo ang Commission on Elections (Comelec) ng grupo na kinabibilangan ng ilang
ahensya para palakasin ang hakbang kontra vote buying.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang Inter-Agency Task Force Kontra Bigay ay ilulunsad ngayong linggo.
Sinabi ni Garcia na ang task force ay tutugon sa motu propio at formal complaints na may kinalaman sa vote buying.
Ang task force ay binubuo ng Comelec, Department of Justice, Department of Interior and Local Government, Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), National Bureau of Investigation
(NBI), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang Philippine Information Agency (PIA).
Nauna nang nagbabala ang Malakanyang sa publiko laban sa pagbili at pagbebenta ng boto dahil ito ay malinaw na election offenses.
Pinaalalahanan ni Acting deputy presidential spokesperson Kristian Ablan ang publiko na huwag masangkot sa bagay na ito lalo pa’t higit 40 araw na lamang bago ang halalan sa bansa.
“The Palace reminds the Filipino people that vote-buying and vote-selling are prohibited acts under the Omnibus Election Code so bawal po tumanggap at bawal din po bumili ng boto,” ayon kay Ablan. (CHRISTIAN DALE)
233
