Ni VT ROMANO
MAKARAAN ang halos apat na buwan, handang-handa na si Jerwin Ancajas bawiin ang IBF junior bantamweight belt mula kay Argentinian Fernando Martinez.
Si Ancajas, kasama ang manager/trainer na si Joven Jimenez, ay tinapos ang training sa Top Rank gym sa Las Vegas. Una rito, higit apat na buwan siya sa Survival Camp sa Magallanes, Cavite.
Ngayong araw (Miyerkoles) ang alis ng boksingero pa-California, apat na araw bago ang laban.
Muling makakaharap ni Ancajas ang former Olympian, Sabado (Linggo sa Manila) para sa October 8 bout sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
“Handang-handa na po kami,” sambit ni Jimenez via messenger. Malaki aniya ang kaibahan ng paghahanda nila para sa rematch kumpara sa nakaraang laban ni Ancajas.
Ayon pa kay Jimenez, mas mahaba ang naging training nila sa Pilipinas at nagawa nila ang lahat ng dapat sa sparring, habang nagbawas sa ‘volume’ upang makaiwas sa ‘sunog’ o over training.
Masusi rin binantayan ni Jimenez, sa tulong ng nutritionist, ang timbang ni Ancajas. “Sa ngayon, hintay na lang kami sa weigh-in at sa fight day.”
Para kay Ancajas, lahat ay ginawa niya upang maiwasan ang nangyari sa unang paghaharap nila ni Martinez noong Pebrero, nang hindi siya nakagalaw ng maayos bunga ng ‘cramps’ sanhi ng pagdidiyeta.
“12 rounds po ang pinaghandaan namin, para sigurado,” anang 30-anyos na si Ancajas (33-2-2, 22 KOs). “Kung ma-knockout, bonus na lang po ‘yon.”
Bago ang unanimous decision loss sa kamay ni Martinez, siyam na beses naidepensa ni Ancajas ang IBF 115-lb belt sapul nang agawin ito kay McJoe Arroyo (Sept. 2016).
“Maganda talaga ang kundisyon ko ngayon, kailangan lang din po ma-execute ‘yung strategy para hindi masayang ang pinagpaguran namin,” sabi pa ni Ancajas.
