IBINENTA NA, NAWAWALA PA

HUMIHINGI ng tulong ang asawa ng isang OFW na nasa Dammam, Saudi Arabia. Ayon kay John Paul Balcita, ang kanyang maybahay na si Rubylyn Natura ay nagtungo sa Buraidah, Saudi Arabia noong Enero 9, 2019 sa pamamagitan ng Starworld Manpower Agency.

Diumano ay nakausap niya ang kanyang maybahay na si Rubylyn at nagsumbong ito sa kanya na siya ay minamaltrato. Ngunit matapos ang ilang linggo makaraan ang kanilang huling pag-uusap ay hindi na muli itong tumawag sa kanya kung kaya siya ay labis ng nag-aalala sa sitwasyon nito.

Ayon sa impormasyon na ipinarating sa kanya ng kanyang misis, ito’y ibinenta ng kanyang amo sa ikalawang employer nito na nasa Dammam, Saudi Arabia. Dito ay inabot na siya ng isang taon at limang buwan na halos kayod-kalabaw ang pagtatrabaho.

Ayon kay John Paul: “Ibenenta po si misis ng unang amo n’ya, ­medyo ok naman po nung una pero noong nagtagal na po ‘di na maayos ang pasahod at sinasaktan na rin po hanggang ­humingi kami ng tulong sa agency sa Pilipinas tapos wala naman pong aksyon. Ngayon naman po, sabi ng amo noong June 27, 2021, nag-run away raw si misis e halos magdalawang buwan na, hindi po ako naniniwala na nag-run away ang misis ko dahil hanggang ngayon po ay wala pa kaming balita sa kanya, mag-2 months na po. Sa pagkakaalam ko po, kinukulong siya ng employer niya, ganyan din po ang ginagawa sa mga naunang katulong. At etong agency naman dito sa Pinas, wala naman pong ginagawang aksyon. Tulungan n’yo po ako na mahanap kung nasaan ang aking asawa at pauwiin na po siya dito sa Pinas.”

Ang sumbong at ­pakiusap na ito ni John Paul ay akin nang naiparating sa ating masipag na OWWA Overseas Operations Director na si Connie Marquez at kanyang siniguro sa AKOOFW na ito ay kanyang bibigyan ng aksyon sa lalong madaling panahon.

Gayunpaman, ang AKO­OFW ay nananawagan sa Starworld Manpower Agency na kanilang bigyan pansin ang sumbong at reklamo ng kanilang mga deployed na manggagawa sa ibang bansa. Hindi maaaring ipagkibit-balikat na lamang nila ang ano mang sumbong na kanilang natatangap dahil labis-labis na nag-aalala ang pamilya ng mga OFW sa tuwing hindi nila nakakausap ang kanilang kapamilya.

Alalahanin natin na mas doble ang pag-aalala ng mga pamilyang OFW sa tuwing naipaparating sa kanila ang kasalukuyan nitong sitwasyon lalo na kung malalaman nilang ito ay nagiging biktima ng pagmamaltrato.

Ang AKOOFW ay patuloy na susundan ang kasong ito hanggang ­mahanap o ma-locate ang ­ating kabayani na si Rubylyn Natura. Sa mga kabayani na may impormasyon sa kinaroroonan ni Rubylyn, mangyari na ipaalam po agad ito sa ating OWWA Office sa Saudi Arabia.

190

Related posts

Leave a Comment