NANGANGAMBA ang minorya sa Mababang Kapulungan na mababalewala lang ang imbestigasyon sa flood control anomaly dahil kulang umano sa kapangyarihan ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) na binuo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa presscon kahapon, iginiit ng Liberal Party Bloc na ipasa ang kanilang House Bill 5543 na lilikha ng mas makapangyarihang komisyon.
“Mahina,” matapang na banat ni Mamamayang Liberal (ML) Rep. Leila de Lima sa ICI na pamumunuan ni retired SC Justice Andres Reyes Jr., kasama sina ex-DPWH Sec. Babes Singson, SGV’s Rossana Fajardo, at adviser na si Mayor Benjie Magalong.
Ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice, walang contempt powers ang ICI kaya’t walang silbi ang kanilang subpoena kung ayaw dumalo ng mga sangkot.
“Kung may contempt powers, pwede nilang ipakulong ang susuway. Ang ICI, wala iyan,” giit ni Erice.
Binigyang-diin din niya na ang ugat ng anomalyang ito ay galing mismo sa Kongreso, dahil sa insertions sa flood control projects na umabot na umano sa trilyong piso mula 2023 hanggang 2025. Dapat aniya imbestigahan din sina ex-Appropriations chair Zaldy Co at dating Senate Finance head ex-Sen. Grace Poe.
Nanawagan ang minorya kay Marcos na gawing urgent bill ang panukala.
“Kung hindi ito ipapasa, ibig sabihin hindi tayo seryoso. Pag hindi ito ipinasa, sasamahan ko na ang mga Gen Z sa kalsada!” babala ni Erice.
Ayon sa Pangulo, buo ang tiwala niya na magagampanan ng ICI ang kanilang misyon para malaman kung sino ang nagbulsa ng pera at paano nabuo ang mga maanomalyang proyekto.
COA Records Pinagbasehan
Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung bakit 10 taon lang ang sakop ng imbestigasyon ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa presscon sa Kalayaan Hall, sinabi ng Pangulo na may dalawang dahilan:
“Una, practical reason — 10 taon lang ang itinatago ng COA na records. Kaya iyon lang ang siguradong matitingnan.
Pangalawa, gusto nating malaman kung paano napunta sa ganitong sistema ang gobyerno—paano naging bidding, paano naibigay ang kontrata. How did this evolve?” paliwanag ni Marcos Jr.
Binigyang-diin ng Pangulo na layon niyang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang tama at sa kapakinabangan ng ekonomiya at ng mga nasa danger areas.
Kasunod nito, inihayag ng Pangulo na kinansela na ang flood control projects para sa 2026 at inilipat ang pondo sa “menu” projects gaya ng edukasyon, agrikultura, kalusugan, pabahay, ICT, labor, social services, at enerhiya.
Bukod dito, iniutos din ni Marcos Jr. na ibalik ang dating panuntunan na kailangang i-accept ng mayor, governor at barangay captain ang mga national project bago ideklarang completed.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
167
