Ikinasa ng PNP-NCRPO OPLAN LITIS VS POLICE SCALAWAGS

INIHAYAG ni bagong talagang Philippine National Police-National Capital Regional Police Office (PNP-NCRPO) chief P/BGen. Vicente Danao na may paglalagyan sa kanyang pamumuno ang mga balatubang pulis o police scalawags.

Inihayag ni BGen Danao kahapon sa kanyang unang araw ng panunungkulan bilang NCRPO chief, na istrikto niyang ipatutupad ang kanyang programang “OPLAN LITIS” na ang ibig sabihin ay linisin o litisin ang mga iskalawag na miyembro sa hanay ng pulisya.

Babala pa ni Danao sa mga pasaway na pulis na magbago na at huwag nang hintayin na sila ay mahuli dahil tiyak na gagawin nito ang lahat para mapanagot ang mga balatubang pulis sa kanilang kasalanan.

Hindi umano mangingimi ang opisyal na litisin ang mga ito dahil sa pagbibigay ng dungis sa imahe ng PNP organization.

Binalaan din nito ang mga pulis na sangkot sa illegal drug trade, lalo na ang mga tinaguriang ‘ninja cops,’ na ngayon pa lamang ay tigilan na ang kanilang baluktot na gawain dahil mas palalakasin pa nito ang kampanya laban sa ilegal na droga, ayon na rin sa direktiba Pangulonf Rodrigo Duterte sa bagong liderato ng pambansang pulisya.

Kasabay nito, mas paiigtingin ni Danao ang police visibility kasabay ng pag-aaral na palawigin ang oras ng ‘duty’ ng mga pulis para mas mapanatili ang ‘peace and order’ sa kalakhang Maynila.

Tiniyak din ni Danao ang police visibility lalo na sa mga lugar na madalas na may mga insidente ng krimen na naitatala.

“We will be implementing ‘yung 12 hours duty. ‘Yung dati din naman implementation ever since and siguro we will just make some adjustments on the time kung kailan magkakaroon ng shifting but definitely we will flood the streets with PNP in order to secure our community. ‘Yung mga tumatakas at medyo matigas ang ulo they will be dealt with accordingly,” ani BGen. Danao.

Una nang inihayag ni Interior Secretary Eduardo Año na ang marching orders ni Presidente Rodrigo Duterte kay PNP Chief Debold Sinas ay paigtingin ang crackdown sa illegal drugs, criminality, insurgency and terrorism.

“Yan ‘yung tagubilin ng ating Pangulo kahapon at saka kagabi. Natapos ‘yung aming command conference ay 1 a.m. at dalawa ang pinagdiinan ng ating pangulo. Itong laban sa ilegal na droga at laban sa CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines). Pinagdiinan talaga ng pangulo ‘yan and I would expect General Sinas to serve no less,” ani Sec. Año.

“Dapat i-set din niya ‘yung standard sa performance, professionalism at discipline at dapat na every policeman counts at there must be no room for scalawags,” ayon pa sa kalihim. (JESSE KABEL)

169

Related posts

Leave a Comment