CAVITE – Nagpasaklolo sa Cavite Police ang dalawang Chinese national na umano’y ilegal na ikinulong sa kanilang pinagtatrabahuan at hindi pinapasuweldo ng halos limang buwan sa Bacoor City, noong Linggo ng madaling araw .
Kinilala ang mga biktimang sina Hao Chen, 30, at Jiaxin Liu, 34, kapwa customer service ng Brickhartz Technology Inc. sa Shuanama Industrial Park, Bacoor Boulevard, Brgy. Niog III, Bacoor City, Cavite
Ayon sa ulat ni Corporal Edilberto Reyes Jr. ng Bacoor City Police, nabunyag ang nasabing aktibidad dahil sa reklamo nina Vanessa Joy Bayog at Jackie Casas y Perez, live-in partner ni Liu, sa Philippine National Police (PNP)-Anti-Kidnapping Group, na umano’y nagtatrabaho ang dalawang biktima bilang customer service sa nasabing kumpanya at umano’y kinulong at hindi pinasuweldo simula pa noong Abril 20, 2022.
Dahil dito, humingi ng tulong sa pamamagitan ng text si Liu kay Casas kaya inilapit naman ito sa PNP-Anti Kidnapping Group.
Inendorso ng PNP Anti-Kidnapping Group ang nasabing kaso sa Bacoor CPS na agad na umaksyon at nagtungo sa nasabing kompanya dakong alas-12:30 nitong Linggo ng madaling araw.
Gayunman, nalaman mula kay Winston Cubero, general manager ng kumpanya, na sina Chen, Liu at isang Liangwu He, 30, ay pawang pinalaya na.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa kaso. (SIGFRED ADSUARA)
