ILANG MATARAY NA DFA STAFF, INIREKLAMO NG MGA OFW

Aksyon OFW

MAGANDANG araw mga ka-Saksi, inirereklamo ng mga kabayaning OFW ang usad-pagong na serbisyo sa Department of Foreign Affairs sa pagproseso ng pasaporte at iba pang dokumento na nagdudulot ng mahabang pila sa Consular Office nito sa ASEANA, Pasay city.

Sa sumbong sa inyong lingkod ng ilang OFWs, halos wala na silang social distancing sa pila dahil pinababayaan ng mga security guard na magsiksikan na.

Kahit madaling araw pa lang sila sa pila at wala pang kain, nabibilad pa raw sila sa matinding sikat ng araw at kung minsan ay nauulanan dahil kulang ang tents na ini­lagay sa DFA ASEANA.

“Ang haba ng pila sa DFA ASEANA ay mula sa exit gate hanggang gate 1 tapos pa­ikot pa sa building kaninang umaga (December 21),” ayon sa isang OFW na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Kwento pa ng ilang OFWs at mga kababayan natin na pumipila sa DFA ASEANA, matataray at sinisigawan pa sila ng ilang staff sa counters ng consular office.

Napansin kasi nila ang pahaba nang pahaba na pila dahil wala pa ring staff sa counter number 13 na siyang pending unit.

Nang punahin at hanapin umano ng OFW ang nakatalagang staff sa counter 13, pinagalitan daw siya, tinaasan ng boses at tinarayan pa ng matandang babae.

Nagkampi-kampi na umano ang mga staff mula counters 1 hanggang 13 nang makita ang insidente.

Nang sabihin pa ng OFW na irereklamo sa Civil Service Commission si “Madam Mataray”, nanghimasok na umano ang kanilang supervisor at binigyan siya nito ng papel at ballpen para mag-file ng complaint sa nasabing ­empleyado.

Sayang at hindi po nakuha ng ating kabayani ang pangalan ng nasabing matandang staff. Pero nangako siyang babalik sa DFA para alamin ito at maisumbong sa Civil Service Commission (CSC).

Paging DFA Sec. Teddy Boy Locsin, baka naman pwedeng maaksyunan ang ganitong klase ng inyong staff d’yan sa Consular Office para ‘di naman napapahiya ang mga kababayan natin.

Public service is a public trust, ika nga. Dapat may ­respeto at malasakit sa kapwa Pilipino ang pagbibigay ninyo ng serbisyo. Hindi minumura at pinagtataasan pa ng boses.

Paging Civil Service Commission, ganito ba ang itinuturo ng ahensya sa pag-estima sa mga kababayan natin na dumu­dulog at nagpoproseso ng mga dokumento sa ahensya ng gobyerno.

Kung may courtesy lane para sa government officials at mga dependent nila, bakit walang courtesy lanes para sa OFWs sa DFA?

Dapat bigyan din ng special treatment ang OFWs dahil ang remittances nila ang bumubuhay sa ating ekonomiya, lalo na sa naranasang krisis dulot ng pandemya.

Para sa inyong komento, opinyon at suhestiyon, ipadala lang sa dzrh21@yahoo.com.

168

Related posts

Leave a Comment