MAGANDANG araw mga ka-Saksi at mga kabayani!
Inirereklamo ng ilang OFWs ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na sana ay mangangalaga at magpoprotekta sa kanila bilang manggagawa sa abroad.
Itinawag ng ilang kabayani natin ang problema ngayon na kinakaharap nila sa pagbabalik-manggagawa sa iba’t ibang bansa, gaya sa South Korea, Singapore, Japan at Middle East.
Dahil sa pandemic, naabutan ng lockdown ang ating mga kabayani simula pa noong 2020 hanggang ngayon. Sa kagustuhan nilang makabalik sa abroad dahil sa kailangan ng panggastos ng kanilang pamilya, napipilitan na rin ang mga OFW na mangutang muna para ibayad sa kanilang agency at sa kanilang swab test.
Umiiyak ang ilang kabayani po natin, nang dumulog sa AKSYON BANTAY OFW dahil ilang beses na silang natengga at hindi makaalis dulot nga ng lockdown.
Pero, dapat nitong January 2022 ay aalis na sila ngunit bigla namang nanalasa ang Omicron variant at muling napurnada ang alis ng isang batch ng ating mga kabayani.
Ngayon, nasa level 2 na ang Metro Manila at ibang lugar, nagkaroon ulit ng pagkakataon ang ating mga kabayani na magproseso ng papeles sa POEA.
Sa 50 OFWs na pumila sa POEA nitong Miyerkoles para sa processing ng papeles nila, halos kalahati ang pina-hold dahil sa positibo umano sila sa COVID-19 sa unang swab test.
Kaya naman, nag-iiyakan ang mga ito dahil negatibo naman sila sa second test pero ‘di na umano pinayagan ng POEA.
Ang mga ito ay pawang balik-manggagawa bilang factory workers sa South Korea na sumusweldo nang hindi bababa sa P80,000 kada buwan at kung may overtime pay ay aabutin pa ng P100,000 kada buwan.
Ayon sa kanila, walang kwenta ang kanilang pagpunta at diumano’y pinahihirapan o pinagagastos pa sila ng ilang staff sa POEA sa COVID-19 test results.
Gumagastos aniya sila ng mula P3,500 hanggang P8,500 kada swab test sa ilang pribadong hospital o clinic sa Metro Manila.
Dahil sa nagpositibo ang ilan sa unang swab test, syempre, sa kagustuhan na makaalis at magtrabaho muli sa abroad, nagpapa-second test sila na dagdag gastos pa.
Subalit, ang katwiran daw ng ilang staff sa POEA, kung ano ang first test result ay ito raw ang kinikilala nila at hindi na pinalulusot ang confirmatory test na negatibo na ang resulta kahit sa prominenteng pagamutan pa sila muling nagpa-eksamin.
“WAG KA NANG TUMULOY, MAGPAPAGOD KA LANG DYAN SA POEA!” naiiyak na kwento ng ilang babaeng OFW.
Raket po ba ito, nagtatanong lang naman, POEA Administrator Olalia? Sana naman may konting malasakit at konswelo rin ang ilang staff o mga opisyal sa POEA sa ating mga OFW. Please lang!
***
Good News, mga kabayani!
Sa kauna-unahang pagkakataon, aba, magbibigay ang pamahalaang Pilipinas ng libre at bagong seaman’s book sa mga seafarer natin.
Sinabi ito ni DOTr Sec. Art Tugade sa programang ‘Talk to the People’ ni President Rodrigo Duterte.
Biruin n’yo mga ka-seaman, malaking tipid na ito para sa inyo dahil ang mga first timer na seafarer ay malilibre na sa seaman’s book nila. Ang halaga po nito ay mula sa P1,000 hanggang P1,800 depende kung saan lugar ka kukuha.
Ang isa pang magandang balita, sinabi ni Tugade na may diskwento na 50% ang halaga ng renewal ng seaman’s books hanggang sa December 2022.
Ang seaman’s book po ay katumbas ng working visa para sa ating mga marino na bumibiyahe sa iba’t ibang bansa, lulan ng mga cruise ship o international cargo vessels.
Ganito ang dapat na malasakit ng gobyerno sa ating mga OFW.
Mahal na mahal talaga ni Pang. Duterte ang ating mga kabayani. Kaya Mr. President, saludo po ako sa inyo!!
Para sa inyong komento, suhestyon at reklamo, ipadala lang sa dzrh21@gmail.com.
197 