PATULOY ang operasyon ng ilegal na sugal partikular ang jueteng sa lalawigan ng Oriental Mindoro sa kabila ng isinagawang panghuhuli kamakailan ng mga tauhan ni Police Regional Office (PRO4B) Regional Director PBGen Sidney Hernia.
Ayon sa mga nagrereklamong residente, matapos ang hulihan ay ilang araw nahinto ang bolahan ng jueteng na ang ginagamit ay Peryahan ng Bayan.
Ngunit ngayon ay tuloy na naman umano ang ligaya sa ilegal na sugal sa labing-apat na bayan at isang siyudad sa Oriental Mindoro.
Banggit pa ng mga nagrereklamo, ang jueteng na nakatago sa Peryahan ng Bayan (PnB) na may numerong 1-40 ay binobola sa pamamagitan ng holen na may dalawang resulta sa isang araw, isa sa hapon at isa sa gabi.
Bunga nito, hiniling nila kay Oriental Mindoro Police Provincial Director PCol. Samuel Delorino at maging kay PBGen Hernia na puksain ang ilegal na sugal na kinahuhumalingan ng mga ordinaryong mamamayan ng lalawigan.
Anila, nagpapatuloy ang lantarang pangungubra ng taya ng mga kubrador ng jueteng sa naturang probinsya na tila walang kinatatakutan.
Ibinunyag din nila ang umanoy “milyones” na daloy ng ”intelihensya” kada buwan para sa mga tiwaling opisyal ng nasabing probinsiya na tumatanggap ng buwanang payola.
Sinasabing ibinabandera pa ng mga kabo ng jueteng sa mga terminal ng jeepney, tricycle, at palengke ang resulta ng bola araw-araw na patunay na talamak ang operasyon nito sa nasabing probinsiya.
Idinagdag din nila ang naarestong mga kubrador at kabo na kalauna’y nakalaya ay patuloy sa pangungubra ng taya sa jueteng.
Ipinagtataka rin ng ilang opisyal ng barangay sa isang bayan sa lalawigan ang pananahimik umano ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor na tumutuligsa noon sa jueteng.
Namumukod tangi umano ang Oriental Mindoro na bumabalewala sa ibinabang kautusan ng Malakanyang at Department of Interior and Local Government (DILG) kontra sa mga ilegal na pasugalan.
Nauna nang nanawagan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Philippine National Police (PNP) na sugpuin ang ilegal na sugal sa Calapan City, Oriental Mindoro, partikular ang Peryahan ng Bayan (PnB).
Nagpadala rin ng liham ang PCSO kina P/BGen. Sidney Hernia, Regional Director ng Police Regional Office 4-B MIMAROPA; P/Maj. Israel Cisco Magnaye, Battalion Commander ng PNP Regional Mobile Force Battalion 40 sa Oriental Mindoro, at P/Col Anthony Ramos, Chief of Police ng Calapan City upang humingi ng tulong na matigil ang operasyon ng PnB sa Oriental Mindoro.
Matatandaang nilagdaan ni Oriental Mindoro PCSO Branch Manager Augusto Tordillos ang nasabing liham na humihiling sa PNP na ipatupad ang suspension order ng Office of the President sa operasyon ng PnB sa Calapan City.
Base sa memorandum ng DILG noong Abril 22, 2022, inaatasan ang PNP na makipagtulungan sa local government units (LGUs) sa pagpapahinto ng operasyon ng PnB.
Kinalampag din ng PCSO si PNP Chief, PLt. Gen. Rodolfo Azurin Jr., na atasan ang regional at provincial director upang masigurong mapahinto ang ilegal na sugal sa lalawigan.
Bukod sa jueteng ay lantaran din umano ang operasyon ng ilegal na color games at drop ball sa mga peryahan sa bayan ng Victoria, Soccoro, Pinamalayan, Puerto Galera, Baco, Naujan, San Teodoro, Roxas, Calapan City at iba pang bayan sa lalawigan na sinasabing protektado naman ng ilang tiwaling kapitan ng barangay. (ROLAND BULA)
