AGAD ipinabaklas ni Manila mayoralty candidate Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang kanyang mga campaign material na nakalagay sa hindi designated area matapos matanggap ang show cause order ng Commission on Elections (Comelec).
Partikular sa Welcome Arc sa Legarda St., Brgy. 410 Zone 12 sa Sampaloc umano makikita ang mga campaign poster.
Inilabas ng komisyon ang show cause order kaugnay sa R.A 9006 o Fair Election Act noong Abril 14.
Bagamat kapansin-pansin na mangilan-ngilan lamang ang makikitang campaign posters ni Yorme, agad nitong ipinag-utos sa kanyang mga tagasuporta ang pagbaklas bilang tugon sa nasabing kautusan ng Special Task Force-Baklas 2025 ng Comelec.
Bukod sa pagbabaklas ng campaign posters, si Domagoso ay inatasan ng Comelec na magpaliwanag sa loob ng limang araw sa oras na matanggap ang show cause order kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng disqualification para sa midterm elections.
Katunayan, kabilin-bilinan ni Domagoso sa kanyang mga tagasuporta na sumunod sa alituntunin ng Comelec ngayong panahon ng halalan at nanawagan na huwag magkabit ng posters sa mga poste ng kuryente, puno at iba pang lugar na ipinagbabawal.
Pinuna naman ng mga tagasuporta ni Domagoso ang tila hindi pagbibigay-pansin ng Oplan Baklas sa mga nakabalandra at nagkalat na campaign posters ng mga katunggali ng dating alkalde sa iba’t ibang lugar tulad sa mga kable at poste ng kuryente, mga puno at ilang pampublikong lugar.
Ang Oplan Baklas ay itinatag ng pinagsanib na puwersa kabilang ang Comelec, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP).
Samantala, handa namang sagutin ng kampo ni Domagoso ang bagong inilabas na show cause order laban sa kanya kaugnay sa umano’y vote buying dahil sa pagbibigay ng P3,000 sa mga guro.
(JOCELYN DOMENDEN)
