NAG-UUMPISA nang lumutang ang mga nagnanais pumalaot sa 2022 general elections tulad ng isang Imam na ang target — maging Pangulo kapalit ni Rodrigo Duterte.
Bukod kay Senador Panfilo Lacson na una nang nagdeklarang tatakbong Pangulo ng bansa, papalaot din sa 2022 presidential derby si Sahiron Salim, isang Tausug mula sa Mindanao.
Sa isang pahayag, pormal nang tinanggap ni Salim ang aniya’y “hamon” ng mga kapatid niyang Muslim upang pamunuan ang kakaibang laban kontra katiwalian.
Aniya, sesentro ang kanyang plataporma sa moralidad — isang bagay na wala aniya sa mga nasa poder.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit patuloy na nalulugmok ang Pilipinas sa kahirapan, bagsak na kabuhayan, problema sa droga at pagsasamantala ng mga taong gobyerno at ganid na kapitalista.
Sa pagsasaliksik sa pagkatao ni Salim, lumalabas na isa pala siyang retiradong heneral ng Philippine National Police.
Bagamat tinaguriang rebel hunter, higit siyang kilala sa pagpapasuko sa mga armadong miyembro ng New People’s Army, at Muslim secessionists mula sa hanay ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.
Makailang ulit na rin niyang nagawang pagkasunduin ang nagsasalpukang angkan sa iba’t ibang lalawigan kung saan siya nadestino bilang provincial police director.
Hindi naman mabatid kung saang partido siya sasapi.
Nang tanungin kung may sapat siyang makinarya para sa pangangampanya, ang tugon ni Salim: “May alam ba kayong lugar sa Pilipinas kung saan walang Muslim o Mosque? Ganun kalawak ang aming kapatiran,” aniya. (FERNAN ANGELES)
273 