Imbes ayuda at bakuna, buhangin ang inuna- solon PONDO SAYANG SA DOLOMITE

(BERNARD TAGUINOD)

NANGHIHINAYANG ang isang mambabatas sa pondong naaaksaya sa dolomite na itinatambak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Manila Bay imbes na gamitin ito sa ayuda o kaya sa mass testing at bakuna.

“Napakahirap unawain ng ganitong klaseng prayoridad ng gobyerno,” ani Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat matapos ituloy ng DENR ang pagtatambak ng dolomite sa Manila Bay.

Sinabi ng mambabatas na kulang na kulang ang mass testing, bakuna at maging ang ayuda sa mga taong labis na naapektuhan sa COVID-19 pandemic subalit inuunang gastusan ang dolomite sa Manila Bay.

Ang DENR ay may pondong aabot sa P389 million para sa rehabilitation project ng pamahalaan sa Manila Bay na sinimulan noong nakaraang taon subalit malaking bahagi sa tinambakan ng dolomite ang naglaho nang magkaroon ng sunod-sunod na bagyo noong nakaraang taon.

“Sariling interes na naman ng pagpapataba ng bulsa ng iilan ang maaring konklusyon dito. Ang dolomite budget ay inilaan na lang sana para sa pandagdag sa sahod at hazard pay ng mga frontliners at ayuda para sa pamilyang apektado.

Sahod na lang sana imbes na buhangin. Libreng mass testing imbes na buhangin. Ayuda at bakuna na lang sana, naging buhangin pa,” panghihinayang na pahayag ni Cullamat.

Ganito rin ang sentimyento ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago kaya ang ayuda at bakuna na inaasahan aniya ng mamamayang Pilipino ay “naging buhangin pa” dahil mas inuna itong gastusan ng gobyerno.

Mas marami sana aniyang natulungan ang gobyerno kung ginagamit din ang nasabing pondo sa ayuda lalo na’t maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho nang magpatupad ng panibagong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.

“Ang matalino, mahusay at maka-mamamayang pamahalaan ay ire-realign ang P389-M budget para sa social amelioration program, pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan at pagsisiguro ng ligtas na balik-eskwela para hindi na tumagal ang matinding kalbaryo ng mamamayan,” ayon sa nasabing grupo ni Elago.

Ibinasura rin ng grupo ang depensa ng DENR na para sa mental health umano ng mga Pilipino na dumadaan sa Manila Bay ang nasabing proyekto lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Para sa mental health namin?! Lalo niyo lang binibigyan ng sama ng loob ang mamamayan!”, tugon ng grupo.
Kamakalawa ay muling binuhusan ng dolomite ang bahagi ng Manila Bay dahil natakpan na naman ito ng itim na buhangin.

227

Related posts

Leave a Comment