Imbes ipinagamit sa mga guro P92-M LAPTOP, GADGETS IGINARAHE NG DICT

guro

(BERNARD TAGUINOD)

NILALAMON lang ng alikabok sa halip na pinakikinabangan ng mga guro sa pampublikong paaralan ang P92.968 million halaga ng laptop at gadgets na binili ng Department of Information and Communication Technology (DICT).

Ito ay sa kabila na isa sa bawat sampung (10) public school teachers lang ang gumagamit ng laptop na isinupply ng Department of Education (DepEd) kahit noong kasagsagan ng pandemya sa COVID-19.

Kaya ang apela ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kinakatawan ni Rep. France Castro sa Kamara ay ipamahagi na ang mga laptop at gadget imbes nakaimbak lang sa bodega ng DICT.
“Sana ay maipamahagi na kaagad ngayong pasukan ang 866 laptops at 12,482 tablets na nakatambak lamang sa DICT na para naman talaga sa mga guro at mag-aaral,” ani Vladiner Quetua, chairman ng nasabing grupo.

Nagsagawa umano ng survey ang grupo noong Abril 2021 na sinalihan ng 6,732 public school teachers sa buong bansa para malaman kung sarili o supply ng DepEd ang kanilang gamit na laptop.
Nabatid na 69% ng guro sa National Capital Region (NCR) ay gumagamit ng sariling laptop kung saan 24% sa mga ito ay nakabili sa pamamagitan ng installment payment kaya patuloy pa sa kanilang pagbabayad.

Mas malaki umano ang bilang ng mga guro sa labas ng NCR na gumagamit ng hulugan na laptop habang ang iba naman ay hindi DepEd kundi Local Government Units (LGUs) ang nagbigay sa kanila.

“Sa kabuuan, nasa 10% lamang ng mga guro ang gumagamit ng laptop na galing sa pamahalaan samantalang dalawang taon silang pinagturo sa remote learning at tambak ang reports at mga gawain online,” ani Quetua.

Dahil dito, hiniling ng grupo sa DICT na pakawalan na ang mga laptop at tablets na inaamag na umano sa kanilang bodega gaung binili aniya ang mga ito para sa mga public school teacher.

“Kahit ang mga janitor ay hindi naman pinabibili ng sariling walis, pero bakit ang mga guro ay hindi mabigyan ng kailangang gadget sa pagtatrabaho?” tanong pa ng grupo ni Castro.

Sa inilathalang 2021 audit ng DICT, inihayag ng state auditors na ang nasabing gadgets ay maaaring maging “obsolete” kung mananatiling “undistributed and unused.”

205

Related posts

Leave a Comment