TINAYA ni Senador Imee Marcos na sa 2022 magiging kasado ang gobyerno para sa malawakang pilot-testing ng mail-in voting na pakikinabangan ng mas maraming botanteng Pinoy sa 2025.
Iginiit ni Marcos, chairman ng Senate committe on electoral reforms, na hindi dapat maliitin ng mga kapwa niya mambabatas ang kakayanan ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) na inaasahang maglulunsad ng computerized mail management system sa unang bahagi ng 2021 at kukumpletuhin ang operasyon nito bago sumapit ang May 2022 elections.
“Huwag tayo susuko na hindi natin nasusubukan kahit ilang beses lang. Maaaring isagawa ang pilot testing sa ilang manageable areas sa 2022 at umaasa tayong mapapalawak ang botohan gamit ang koreo sa 2025,” ani Marcos.
“Bagamat kabado tayo sa mail-in-ballots, na hindi pa natin naranasan sa nagdaang mga eleksyon, naniniwala akong makabuluhan at importanteng subukan ang kapasidad ng Philpost,” dagdag pa ni Marcos.
Sa sulat na pinadala kay Senadora Marcos, inihayag ni PhilPost Corporate Officer-in-Charge Joel Zamudio na ang postal service ng gobyerno ay “kumpiyansang matutugunan ang mga delivery requirements” sakaling ipatupad ang mail-in voting bilang opsyon sa May 2022 elections.
Inihain ni Marcos ang Voting By Mail Act bilang Senate Bill 1870 para bigyan ng mas sensitibo at kumbinyenteng opsyon ang mamamayan na may suliranin sa kalusugan o maging distansya sa mga presinto ng botohan na dahilan kaya hirap silang lumahok sa pambansang eleksyon.
Agam-agam ni Defensor
Gayunman, pinagpepreno ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Commission on Elections (Comelec) sa ideyang idaan sa koreo (mail) ang pagboto dahil sa karanasan ng Estados Unidos sa Voting by Mail o Mail-In voting.
“In theory, there is nothing wrong with mail- in voting but with what’s happening in the US , I would rather take caution,” pahayag ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa mga report sa Amerika na natagpuan sa mga basurahan ang mga boto ng mga Amerikano na idinaan sa koreo o by mail.
Isa ito sa mga dahilan kaya nagprotesta si US President Donald Trump matapos itong matalo ng Democrat na si dating Vice President Joseph “Joe” Biden.
“We have time to study, discuss and debate on this,” ayon pa kay Defensor, chairman ng House committee on public accounts.
Sa ngayon ay may nakahaing panukala sa Kamara na payagang bumoto ang mga senior citizen at People With Disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng voting by mail o idadaan sa koreo ang kanilang boto.
Pero kung si House Speaker Lord Allan Velasco ang masusunod, nais nitong isulong ang mail-in voting para sa mga nabanggit na sektor ng lipunan at maging sa Overseas Filipino Workers (OFWs). (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)
178 