HINDI puwedeng isantabi ng mababang kapulungan ng Kongreso ang impeachment case na isinampa ni FLAGG secretary general Ed Cordevilla laban kay Supreme Court (SC) Associate Justice Maria Victor “Marvic” Leonen.
Ganito idinepensa ni AKO Bicol party-list Rep. Alfred Garbin Jr., ang pag-usad ng impeachment case ni Leonen sa mababang kapulungan.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag bilang tugon sa puna umano ng ilan na mas inuuna nila ang impeachment case laban kay Leonen gayung nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19.
“We have to follow the rules. Remember meron tayong house rules, specifically Rules of Impeachment. Hindi dapat nating sisihin ang Speaker (Lord Allan Velasco) na dahil pandemya we will disregard this rules adopted by this House,” ani Garbin.
Noong Marso 25 ay ipinasa ni Velasco sa House rules committee na pinamumunuan ni House majority leader Martin Romualdez ang impeachment complaint ni Cordevilla na inendorso ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos-Barba laban kay Leonen.
Isang araw pagkatapos bumalik sa kanilang trabaho ang Kongreso o noong Mayo 18, ni-refer ni Romualdez sa House committee on justice na pinamumunuan ni Leyte Rep. Vicente “Ching” Veloso ang impeachment complaint laban kay Leonen.
Agad namang itinakda ni Velasco ang unang pagdinig sa impeachment case noong Mayo 17, alas-9:30 ng umaga para tukuyin kung sufficient in form and substance ang reklamo.
Subalit may ilang bumatikos kay Velasco dahil mistula umanong mas pinahalagahan ng liderato nito ang impeachment sa halip na ang pagtugon sa kasalukuyang pandemya.
“So ministerial lang on his [Velasco] part,” ani Garbin kaya umapela ito na tantanan si Velasco dahil ginagampanan lamang umano nito ang kanyang tungkulin na itinakda sa Saligang Batas.
Si Leonen ay kinasuhan ng culpable violation of the constitution dahil sa hindi agad inaksyunang mga kaso na nakatalaga sa kanya, hindi lamang sa Korte Suprema kundi maging sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) kung saan siya ang tumatayong chairman.
Bukod dito, sinampahan din ng betrayal of public trust si Leonen dahil sa hindi paghahain ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) nang magturo ito sa UP College of Law sa nakaraang 15 taon. (BERNARD TAGUINOD)
121
