NAGPAHAYAG ng pakikiisa si dating Executive Secretary Vic Rodriguez kay Vice President Sara Duterte at sa 32 milyong bumoto rito.
Sa kanyang Facebook page, agad tinuligsa ng senatorial aspirant ang aksyon ng Kamara na pagpapatalsik kay Duterte.
Para kay Rodriguez, malinaw na inililihis ng impeachment ang tunay na suliranin ng bansa at iniiwas sa atensyon ng publiko ang mga garapalang korupsyon.
“Hindi lamang kaban ng ating bansa ang walang pakundangang kinukurakot ng mga tiwaling mambabatas kung hindi pati ang ating sagradong mandato na buong pusong ibinigay kay Inday Sara ay lantarang ninanakaw sa ating mga Pilipino. Lumobo na sa P16.05 Trilliones ang utang ng bansa, ang pinangakong murang bigas ay panaginip pa rin at dahil sa lumalalang problema sa droga ay lalong naging mapangahas ang mga kriminal,” bahagi ng post ni Atty. Rodriguez sa kanyang official FB page.
Sa kabila aniya ng mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino ay mas inuna pa ng mga mambabatas ang i-impeach si VP Sara.
“Subalit bulag at bingi ang mga mambabatas at sa halip ay inunang habulin si VP Inday na siyang tinatanaw na pag-asa ng bayang naghihirap,” aniya.
Sa huli ay nanawagan siya sa mga Pilipino na huwag magpalinlang at labanan ang tiwaling pamumuno.
“Huwag natin hayaan magpatuloy ang ganitong uri ng mapanlinlang at baluktot na pamumuno. Huwag natin ipanakaw ang demokrasya at Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa mga elitista’t mandarambong na mambabatas.
Protektahan ang Pilipino laban sa kurakot at mandarambong na gobyerno!”
5