IMPORMASYON SA PAGPATAY SA MAG-AMA, HILING NG BATANGAS POLICE

BATANGAS – Nanawagan ang Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa publiko na tumulong sa pagbibigay ng impormasyon upang matukoy at maresolba ang pamamaril na kumitil sa buhay ng mag-ama sa bayan ng Nasugbu sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Hinimok ni Batangas Police Provincial Director PCol. Geovanny Emerick Sibalo ang publiko na magbahagi ng anomang impormasyon sa BPPO o direkta sa Nasugbu Police Station, at tiniyak na mananatiling confidential ang lahat ng ibibigay na detalye upang agarang makamit ang hustisya para sa mga biktima.

Ayon sa ulat, sakay ang mga biktima ng tricycle at pauwi sa kanilang bahay nang biglang ratratin ng hindi pa nakikilalang suspek na armado umano ng caliber .45 na baril at armalite rifle.

Natadtad ng tama ng bala ang dalawang biktima, ang padre de pamilya ay nasawi agad sa pinangyarihan, habang ang isang menor de edad ay nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa ospital, samantalang ang isang anak ay hindi tinamaan matapos na makatalon ito mula sa tricycle.

Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril, dahilan para maglunsad ang BPPO ng masinsinang backtracking at follow-up investigation upang matukoy ang pagkakakilanlan nito.

Tinitingnan ngayon ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng anggulo at motibo, kabilang ang posibilidad na may kasabwat o mayroon pang ibang suspek sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

84

Related posts

Leave a Comment