IMPORTASYON NG KARNE IPINATITIGIL

HINILING ni Senador Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) partikular sa National Meat Inspection Service na itigil ang pag-aangkat ng karne at sa halip isulong ang lokal na produksiyon upang makatulong sa mga lokal na negosyante.

Sa pahayag, tinutukoy ni Marcos ang natuklasan na umabot sa 81 porsiyento sa 43,124 kilo ng frozen pork na sinurvey sa merkado noong Agosto na pawang imported.

Kasabay nito, iginiit ni Marcos sa pamahalaan na tulungan ang lokal na livestock raisers upang maging mas competitive ang presyo sa mga produkto at maisalba ang kanilang kabuhayan laban sa bumabahang imported na bumubuo ng mahigit sa kalahati ng mga poultry at pork products sa merkado.

Ipinapakita rin sa NMIS inventory na 58% ng kabuuang 60,810 kilos ng na-survey na dressed chicken ay pawang imported.

Sinabi ni Marcos na ang pagbaha ng imported poultry products at murang halaga ng benta nito sa merkado ang nagpapalala sa kalagayan ng mga local na poultry raisers na umaaray na sa biglang paghina ng benta sanhi ng COVID-19 pandemic.

Bumaba ang demand ng mga lokal na produktong manok at baboy sa mga food companies sa bansa gayundin sa mga hotel at restoran na nagbawas ng operasyon habang ang iba’y nagsara nang tuluyan sa gitna ng mga pinalawig na community quarantine dahil sa pandemya.

Nitong nagdaang linggo, naglalaro na ang presyo sa mga palengke ng imported na baboy mula Php120 hanggang Php175 kada kilo, kumpara sa local pork na ibinebenta sa Php230 hanggang Php260.

Ang imported namang chicken ay naglalaro sa Php100 hanggang Php110 kada kilo ang presyo sa kapareho ring panahon, na mas mura kaysa lokal na chicken na nasa Php125 hanggang Php130 na presyo kada kilo.

Isang solusyon para mas maging competitive o makalaban ang presyo ng mga local poultry products ay ang pagbibigay ng Department of Agriculture sa mga poultry raiser ng teknolohiya sa pagpoproseso ng mechanically deboned chicken meat, ang imported na produkto na mahirap gawin o i-produce dahil sa kawalan nila ng pasilidad, ani Marcos.

Sa harap nito, hinimok ni Marcos ang gobyerno na mas palawakin pa ang merkado ng mga lokal na produktong manok at baboy sa pamamagitan ng pag-i-export nito sa Japan, South Korea at iba pang bansa kung saan malaki ang gastos sa produksyon.

Sa kabilang banda, dapat ding mahigpit na bantayan ang importasyon ng pork products, ani Marcos, para maharang at di makapasok sa bansa ang mga baboy na may nakakahawa at mabilis na kumalat na sakit tulad ng African swine fever na makapamiminsala sa pork industry ng bansa. (ESTONG REYES)

152

Related posts

Leave a Comment