DUMULOG sa AKOOFW ang ating kabayani na nasa Riyadh, Saudi Arabia upang humingi ng tulong na siya ay makaalis na sa kanyang amo at makauwi na sa Pilipinas.
Si OFW Beryang Agoot ay nakarating sa Riyadh, KSA sa pamamagitan ng Reliable Recruitment Agency. Tiniis niya ang lahat ng hirap at pasakit sa kanya upang matapos na lamang ang kanyang kontrata para siya ay makauwi na sa Pilipinas.
Ngayon na natapos na ang kanyang kontrata ay nakipag-usap na siya sa kanyang amo na kung maaari ay ibili na siya ng tiket pauwi ng Pilipinas. Ngunit imbes na ito ay pumayag ay lalo lamang itong nagalit sa katuwiran na wala naman daw byahe ng eroplano pauwi ng Pilipinas at bukod pa rito ay masyado raw mahal ang presyo ng tiket.
Nagsimula na rin maging bugnutin ang kanyang amo at malimit na siyang minumura at pinagsasalitaan ng masasakit na bagay. Sumbong pa ni Beryang na siya ay pinagtatangkaan na molestiyahin ng kanyang amo kung kaya sobra na siyang nag-aalala para sa kanyang sariling kaligtasan.
Matapos na ito ay aking matanggap ay mabilis ko itong ipinakiusap kay OWWA Overseas Operations Director Connie Marquez upang siya ay masaklolohan.
Habang isinusulat ko ang kolum na ito ay aking natanggap ang mensahe mula kay Director Marquez kung saan ay ipinarating niya ang isang magandang balita na si OFW Beryang ay nasaklolohan na ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa pakikipagtulungan ng Saudi Recruitment Agency (SRA) na kinilalang Hammed Daif Allam Khawaji Agency.
Ayon sa sa naturang SRA, dinala na sa kanilang opisina si OFW Beryang. Ipinangako rin ng manager nito na si Mr. Mohammed Khawaji na sasamahan nila si OFW Beryang sa police station upang magsampa ng reklamo laban sa employer nito. Idinagdag din ni Mr. Khawaji na nagbigay na rin ng exit visa ang employer kung kaya ano mang oras na makabili na ito ng tiket ng eroplano ay maaari na rin itong umuwi.
Ang AKOOFW ay labis na nagpapasalamat sa mabilis na pag-aksyon nina Director Marquez at ni Mr. Khawaji upang mailigtas ang ating kahabag-habag na kabayani sa Riyadh, Saudi Arabia.
Samantala, namahagi ng relief goods ang AKOOFW sa 50 kataong natupok ang mga bahay sa sunog na nangyari sa Sitio Puting Bato, Brgy. Inarawan, Antipolo City. Gayundin ay nag-feeding mission naman nitong Martes sa Barangays San Antonio at Calihan, San Pablo City, Laguna kung saan 380 katao ang napakain ng mainit at masarap ng arroz caldo na niluto sa mobile kitchen.
Todo pasasalamat naman ang mga pamilyang naabutan ng tulong ng AKOOFW kahit nasa gitna ng pandemya, na walang tigil sa pagbibigay ng relief goods mula sa mga kaibigan, OFW organizations worldwide at pribadong indibidwal.
