IMINUNGKAHI ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na ialok sa mga insurance company ang pagpapasagot sa posibleng pananagutan ng gobyerno sa pagpapabakuna kontra COVID-19.
Ipinaliwanag ni Sotto na sa pamamagitan nito ay mababawasan ang gastusin ng gobyerno.
Sa panukala sa Senado, maglalaan ang gobyerno ng P500 milyong pondo para sa mga babakunahan na magkakaroon ng adverse effect o malalang side effects.
“Ang P500 milyon na nakalagay doon pero pwede tayong magpa-bid sa insurance companies so hindi kailangan ang gobyerno ang sasagot baka mas maliit doon,” diin ni Sotto.
“For example insurance company, mag-bid sila ng 10 percent, kung gusto natin P500 million, kung may insurance company baka P50 million lang,” paliwanag ng senador.
Kumbinsido si Sotto na mas maraming insurance company ang magiging interesado kung mababatid nila ang pag-aaral na nagsasabing mababa ang posibleng tamaan ng adverse effects.
“Sa statistics, ang maaaring maging adverse effect, malala, serious effect ng vaccine ang lumalabas na maaaring magkaroon ng adverse effect is 0.00005000. Kung 70 milyon ang babakunahan, ang posibleng may adverse na masama ay 350 lang,” paliwanag pa ni Sotto. (DANG SAMSON-GARCIA)
