AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
SA ganang akin, para walang pagdududa ang publiko, dapat ang mag-iimbestiga sa anomalya sa flood control projects ay independent body.
Kamakailan, sinabi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon sa usapin ng flood control project anomalies.
Kahit pa sabihin ng Kamara na ang kanilang isasagawang imbestigasyon ay “in aid of legislation” ay hindi pa rin maniniwala ang publiko na magkakaroon ito ng maayos na resulta.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado, maging sa privilege speech ni Senator Panfilo Lacson kamakailan, lumabas na maraming kongresista ang nasasangkot sa anomalya sa flood control projects.
Paano nila iimbestigahan ang kanilang mga sarili?
Lumabas din na ang mga kongresista ay funder, bribe giver ang contractors at bag men ang District Engineers (DE) ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kaya umano sinasabing funder ang mga kongresista ay dahil sila ang naglalagay ng pera sa pamamagitan ng pagsingit ng pondo sa pagbuo ng national budget na inilalagay sa naturang proyekto.
Si contractor naman ang nagbibigay ng komisyon at ang nagdadala ng komisyon ng kongresista ay ang DPWH District Engineer.
Isiniwalat naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang mga kongresista na mismo ang gumagawa ng flood control projects, gumagamit lang sila ng lisensiya ng contractor.
Sila na ang funder, sila pa ang contractor at sila na rin ang supplier, ngayon naman ay sila pa rin ang mag-iimbestiga sa kanilang mga sarili? Malinaw na panloloko na sa taumbayan ‘yan.
Nakatanggap din tayo ng impormasyon na magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang DPWH sa anomalya sa flood control projects.
Hindi maiibsan ang galit sa inyo ng taumbayan sa isasagawa ninyong imbestigasyon kundi lalo pa silang magdududa sa inyo na pagtatakpan niyo lang ang inyong mga sarili sa ginawa ninyong kasalanan.
Pabor din si Senate Blue Ribbon Committee Vice Chair Erwin Tulfo na isang independent investigative body ang mag-imbestiga sa anomalya sa flood control projects at magsampa ng kaso laban sa mga nasasangkot.
Sa pahayag ni Tulfo, sinabi niya na ang independent body ay bubuuin ng simbahan, academe, kinatawan mula sa mga kabataan, retiradong huwes at iba pa na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
“Hindi naman maaalis ang duda ng mga kababayan natin na baka ma-whitewash lang ang imbestigasyon kung Kongreso at Senado ang hahawak, dahil may ilang mambabatas mismo ang nakikitang sabit sa anomalyang ito,” ayon pa sa senador.
Banggit pa niya: “Paano mo papupuntahin sa Blue Ribbon Committee hearing ang mga kapwa mo mambabatas eh pwede nilang sabihin na may ‘inter-parliamentary courtesy’?”
Duda si Sen. Erwin Tulfo, kung walang independent body, tanging mga kontratista at opisyales ng Department of Public Works and Highways lang ang sisipot at magigisa sa mga hearing ng Blue Ribbon Committee.
Para sa senador, ang independent body ang dapat mag-imbestiga kung sino-sino ang sangkot at sino ang mga dapat kasuhan ng plunder, graft, bribery, at kung ano ang karampatang parusa, lalo na kung mambabatas o public official ang mastermind ng modus.
Sobra na, tama na, sawa na ang publiko sa kahirapan!
oOo
Paging sa mga awtoridad, pakisama na rin sa inyong bibigyan ng atensyon ang scammer sa trucking, pineperwisyo ng mga ito ang mga lehitimong nagnenegosyo.
Kung patuloy na makapambibiktima ang mga ito sa mga negosyante, apektado rin nito ang kanilang mga empleyado na umaasa sa kanilang sweldo na para sa kanilang pamilya.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
70
