PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI dapat magtapos sa pagbibitiw lang ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang isyu sa usapin ng anomalya sa flood control projects.
Kung may kasalanan siya ay dapat papanagutin, hindi biro ang nawalang pera sa kaban ng bayan, bilyun-bilyong piso ang pinag-uusapan dito.
Kamakalawa, nakatanggap tayo ng impormasyon na nagbitiw na sa tungkulin si DPWH Sec. Bonoan at pinalitan siya ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Sabihin na nating walang direktang kinalaman si Sec. Bonoan sa anomalya sa flood control projects ngunit hindi pa rin niya maitatanggi ang “command responsibility” sa kanyang mga tauhan na nadadawit sa katiwalian.
Marami rin ang nagsasabi na imposible na hindi alam ni Bonoan ang nangyayari sa loob mismo ng kanyang departamento.
Matagal nang binabanggit ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang katiwalian sa 5,500 flood control projects na pinondohan ng gobyerno ng bilyun-bilyong piso.
Kaliwa’t kanan ang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa, kung saan ay may nagbuwis pa ng buhay partikular sa Bicol Region, kabilang na ang mga kabataan.
Ipinagmamalaki ng BBM admin na may 5,500 flood control projects subalit hindi naman ito nakikita ng publiko.
Kalaunan ay inamin din ni PBBM na malala na ang “ghost projects”, kung mayroon man ay nawasak nang flood control projects.
Sa kanyang pinakahuling State of the Nation Address (SONA), binanggit niya ang anomalya sa flood control projects at sinabi pa niya sa harapan mismo ng mga kongresista sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang katagang “Mahiya naman kayo.”
Sa pahayag na ‘yan ni PBBM, lumalabas na kumbinsido siya na ang kanyang ipinagmamalaking 5,500 flood control projects ay maanomalya at tama ang sinabi ni Atty. Vic Rodriguez.
Ngayon ay lumaki na ang isyu, nariyan na ang privilege speech ni Senator Panfilo Lacson na minsan ay nainsulto pa sa sinabi ni Sec. Bonoan na isolated lang daw ang flood control project anomaly sa Bulacan.
Ngayon lumabas ang katotohanan na hindi totoo ang sinabi ni Sec. Bonoan na isolated lang ang flood control anomalies, dahil hanggang Baguio City, Bulacan, Batangas, Bicol, Iloilo at Leyte ay naglabasan na ang katiwalian sa flood control projects. Maaaring lalo pang dumami ‘yan.
Sa umpisa pa lang na lumabas ang isyu sa flood control anomalies ay sinabi na natin na kailangang magbitiw na si Sec. Bonoan dahil naniniwala tayo na hindi “small time” ang anomalya sa flood control projects, hindi magagawa ang kalokohang ito kung walang mas mataas sa mga district engineer ng DWPH na sangkot dito.
Lumabas sa privilege speech ni Lacson na funder ang ilang kongresista, bribe giver naman ang mga kontratista at bag or leg men ang district engineers ng DPWH.
Sabi pa ni Lacson, ang DPWH ay playground ng sindikato.
Sinabi naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hindi lang funder ang mga kongresista, sila na mismo ang contractor ng flood control projects, na ang iba ang humihiram lang ng lisensiya ng mga contractor at sila na mismo ang gumagawa ng mga proyekto.
Ang iba naman ay kamag-anak na mismo ng kongresista ang contractor ng flood control projects, kaya walang lusot ang pondo ng proyekto kundi mapunta ang pinakamalaking bahagi nito sa mga kongresista.
Isiniwalat din ni Mayor Magalong sa laki ng kinikita ng mga kongresista sa flood control projects ay kumukuha na sila ng malalaking condominium unit para gawing cash vault nila.
Hindi na inilalagak ang bilyong pisong kinikita ng mga kongresista sa mga bangko para makaiwas sila sa imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council, kaya sa mga condo na nila inilalagay ang kanilang limpak-limpak na salapi na kinikita mula sa maanomalyang flood control projects.
Ngayon dahil pumutok na ang bilyun-bilyong pisong anomalyang ito ay magsasagawa ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa isyung ito, sino pa ang maniniwala sa inyo? Iimbestigahan n’yo ang inyong mga sarili?
Ngayon sasabihin n’yo na ang dahilan ng inyong isasagawang imbestigasyon ay “in aid of legislation”? Hindi natin nilalahat ang mga kongresista na sangkot sa anomalya ng flood control projects, may mga matitino pa rin sa kanila.
Sa katunayan kamakailan ay ipinahuli ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste si 1st District Engineer Abelardo Calalo matapos siya nitong tangkaing suluhan ng P3.1 million para hindi niya ituloy ang imbestigasyon sa kasalukuyang flood control projects sa kanyang nasasakupan.
Sawa na ang taumbayan sa korapsyon kaya panahon na para may managot sa mga nasasangkot, mambabatas man siya, DPWH official o maging contractor man.
oOo
Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
