(NI ROSE PULGAR)
INIUTOS ng Taguig City Regional Trial Court na makulong ng higit sa 10 taon ang isang hinihinalang Indonesian terrorist dahil sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.
Sa 13-pahinang desisyon ni Taguig RTC Judge Marivic Victor ng Branch 266, hinatulan na makulong ng 10 taon at walong buwan si Muhammad Ilham Syahputra.
Ito ay makaraang mahatulan ng “guilty” si Syahputra nang mahulihan ng granada, isang kalibre .45 na baril, mga bala, pasaporte at pera sa iba’t ibang currency sa kanyang posesyon noong Nobyembre 1, 2017 sa Marawi City.
Nabatid na nagsasagawa ng clearing operations ang Philippine military sa Bangun, Marawi nang masita siya sa pagdadala ng isang kahina-hinalang bag.
Nang sitahin ng mga sundalo, tumakbo si Syahputra dahilan para siya habulin at arestuhin.
Nagbaba naman ang korte ng hatol na “not guilty” sa kasong illegal possession of explosives nang mabigo umano ang prosekusyon na makapagpakita ng ebidensya na wala siyang otoridad na magdala ng granada.
Hinihinala ng mga otoridad na may koneksyon si Syahputra sa Maute-Isis group na nagpasimula ng gulo sa Marawi City.
