(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NASA Pilipinas na rin ang kinatatakutang mafia sa Indonesia!
Ito ang kumalat na impormasyon sa ‘intelligence community’ matapos mabunyag na ang shabu na nakararating ngayon sa Pilipinas ay niluluto at pinupuslit papasok ng bansa mula sa Indonesia.
Sinabi ng source na mga pekeng sigarilyo ang ginagamit na front ng sindikato para makapagpuslit ng shabu sa ‘Pinas mula sa bansang Indonesia.
Bukod sa smuggled cigarettes ay nakaipit na rin ang mga shabu sa ini-smuggle pang bigas, asukal, kopra, nutmeg oil, softdrinks at kahit mga panabong na manok.
Kamakailan ay dalawang magkakasunod na operasyon ang isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) upang masamsam ang tone-toneladang smuggled na sigarilyo sa Dipolog City at Bgy. Taliac, Maasim, Sarangani Province.
Nadakip sa naturang operasyon ang dalawang Indonesian nationals na kinilalang sina Fail Machamud at Fajar Antanari.
Nabatid na isang nagngangalang Ci Una, alias Sitti Maimuna Bin Taher mula sa bayan ng Tahuna, Indonesia ang nasa likod umano ng sindikato ng droga.
Si Ci Una ang nagma-may-ari ng Hayana Hotel sa Tahuna at iba pang hotel sa North Sulawesi, pati mga condominium sa naturang bansa na ginagawang front ng kanyang sindikato.
Kasabwat niya sa mafiang ito ang kilalang hoodlum sa Indonesia na may alyas Balakrishna na may kontrol ng illegal na aktibidades sa South Asia at Southeast Asia.
Kung pagbabatayan ang intelligence report na ipinadala ng Indonesian authorities sa counterpart nila sa Pilipinas, milyun-milyong piso na ang napalusot na kontrabando ni Ci Una kada buwan.
Tinataya itong IDR10 billion (IDR-Indonesian Rupiah money) o P37 million kada buwan. Sa smuggling pa lamang umano iyan ng sigarilyo at iba pang produkto —labas pa ang pinalulusot na shabu na bilyun-bilyong piso ang halaga kada tonelada.
Nangyayari ang pagpapalusot ng illegal na produkto sa Petty Port, Tinakareng, Marore Island at ipinadadaan ang barko papasok sa Pilipinas sa Sarangani Island at General Santos City.
Ang warehouse ng naturang sindikato ay nasa bayan din ng Tahuna na malapit lamang din sa dagat. Guwardiyado umano ito ng armadong kalalakihan at protektado ang sindikato ng ilang tiwaling awtoridad ng Indonesia.
Bukod dito, talamak din ang money laundering ng naturang sindikato — hindi malamang nagagamit na rin front ang ini-invest ng sindikato sa Pilipinas.
Ang mga ulat na ito ay laman din sa Indonesian press at social media sa naturang bansa.
“The Philippine authority and its counterpart from Indonesia need to hold bilateral talks and set up a joint-force operation in the maritime borders between Indonesia’s Marore Island in Sanguine Island and Mindanao in the Philippines,” rekomendasyon sa Pilipinas ng intelligence community sa Indonesia.
Pangunahing palusutan naman ng nilulutong shabu ang Tahuna Island sa North Sulawesi, Indonesia, gayundin sa probinsya ng Manado.
