INGAT, DAMING CAMERA NA NAKAKALAT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAGSILBING paalala sana sa mga madaling uminit ang ulo sa kalsada o maging sa mga komunidad, ang kaso ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales, na nagkalat ang mga camera at mairerekord ang kanilang mga kaangasan sa kapwa.

Sa panahon ng tinatawag na digital age, wala nang maitatago at kahit lumipas na ang insidente tulad ng kaso ni Gonzales at ng siklistang kanyang minura, binatukan at kinasahan ng baril, ay pwedeng lumabas pa rin ito sa social media kapag nahulicam sila.

Mantakin mo, Agosto 8 pa nangyari ang engkuwentro nila ng siklista ay biglang lumabas ang video matapos ang mahigit dalawang linggo at naging viral pa. Akala niya tapos na pero hindi inakala na may maglalabas ng video ng insidente kaya nasira tuloy ang buhay niya.

‘Yan ang tinatawag na ‘power of social media’ at ang netizens ay sasali sa usapan kahit hindi nila alam ang buong pangyayari lalo na’t ang involved ay government employee tulad ni Gonzales na nakauniporme pa at may pin pa ng ahensyang kanyang pinagtatrabahuhan.

Tanggapin na natin ang katotohanan na ganito na ang sitwasyon dahil nasa digital age na tayo, kaya ‘yung karanasan ni Gonzales ay dapat magsilbing aral sa mga maiinit ang ulo at nagtapang-tapangan, lalo na sa mga taga gobyerno.

Huwag magaya kay Gonzales na dahil sa init ng ulo, nanakit ng kapwa na hindi makapalag dahil nagkasa siya ng baril nang tangkain ng siklista na pumalag, ay nakalkal ang kanyang buhay at nalaman kung anong klaseng tao siya.

Malamang marami sa mga katrabaho ni Gonzales ang hindi nakakaalam na dinismis pala siya ng Office of the Ombudsman sa serbisyo pero dahil sa kanyang inasal, nalaman tuloy ang kanyang nakaraan.

Kung hindi digital age, baka hindi naranasan ni Gonzales ang naranasan niya ngayon pero iba na ang panahon ngayon, halos lahat ng mga tao ay may smart phone at isang pindot lang ay mairerekord na ang kanyang kaangasan.

Ayan tuloy, binawi na ang kanyang karapatan na magmay-ari at magdala ng baril kaya wala na siyang ikakasa kapag muli siyang nasangkot sa road rage. Suspendido pa ngayon ang kanyang lisensya para magmaneho ng sasakyan at marami pa siyang kaso kahit senior citizen na siya.

Hindi ubra ‘yung pakiusap ni Gonzales sa mga vlogger na maging responsable dahil nasasaktan ang kanyang pamilya, dahil ipinalalabas na masama siyang tao, dahil walang censorship sa social media.

Saka naisip pala niya ang kahihiyang inaabot ng pamilya niya pero hindi siya inisip na muntik nang maging ulila ang mga anak ng siklista dahil sa kanyang kaangasan kung naiputok niya ang ikinasang baril.

Bukod sa smartphone na hawak ng mga tao, nagkalat din ang mga CCTV at dash cam na magrerekord sa mga nangyayari sa paligid kaya ang dapat gawin ng mga armado, isipin na may magiging mga saksi.

Kaya ‘yung maaangas na mga driver, hindi lang ang mga nagmamaneho ng kotse kundi maging ng motorsiklo, ay dapat maging maingat dahil walang bagay ngayon ang hindi nairerekord dahil sa dami ng smart phone, CCTV at dash cam sa paligid.

362

Related posts

Leave a Comment