INIREKOMENDA ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa isang police officer na tiyahin ng 14-anyos na batang lalaki na pinaghihinalaang nagpaputok ng baril sa isang paaralan sa Tacloban City noong nakaraang buwan.
Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Polo Martinez nitong Martes na inirekomenda ng tanggapan ng city prosecutor ng Tacloban City ang pagsasampa ng kasong “reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries” laban kay Police Staff Sergeant Arla Rey Pacencia.
Kaugnay ito ng pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlo katao at ikinasugat ng hindi bababa sa 20 iba pa.
Isinampa ang kaso sa Family Court ng Tacloban City Regional Trial Court matapos ang isinagawang preliminary investigation sa reklamong inihain ng mga magulang at estudyante ng paaralan kaugnay ng insidenteng kinasangkutan ng isang child in conflict with the law (CICL).
Ayon kay Martinez, nagtitiwala ang DOJ na magpapatuloy ang criminal process alinsunod sa mga alituntunin ng due process para sa lahat ng panig.
Kinilala si Pacencia bilang tiyahin at may-ari ng government-issued 9mm Glock 17 na ginamit umano ng Grade 9 student na si alias “Nash” sa pamamaril.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng insidente noong nakaraang buwan, inamin ni Pacencia na minsan niyang dinala si Nash sa firing range dahil “tinitingala siya ng kanyang pamangkin.”
(JOCELYN DOMENDEN/JULIET PACOT)
45 