MINSAN pa’y pinatunayan ang husay ng mga makabagong kagamitan ng Bureau of Customs (BOC) sa magkahiwalay na operasyong humantong sa pagsabat ng hindi bababa sa P7.3-milyong halaga ng drogang pawang ikinubli sa mga gamit pambata sa Port of Clark sa Pampanga at sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Unang nahagip sa isang controlled delivery operation sa Las Piñas City ng BOC-NAIA kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang dalawa katao – kabilang ang isang Nigerian national – sa aktong pagtanggap ng bagaheng naglalaman ng tinatayang P3.9 milyong halaga ng drogang ikinubli sa padalang “baby bottle sterilizer and dryer.”
Hindi naman binanggit ang pangalan ng mga dinakip.
Sa paunang imbestigasyon, bandang alas 8:20 nitong nakaraang Abril 28 nang tumungo ang mga operatiba sa address na nakatala sa dokumentong kalakip ng bagahe. Pagdating sa kanto ng Mariano Alvarez Avenue at Veraville Homes sa Barangay Talon Singko, lumutang ang diumano’y claimant na pinaniniwalaang ginamit ng kasamang banyaga. Sa hudyat ng ground operative, agad na dinakma ang dalawang suspek.
Una nang nabisto ng BOC-NAIA ang drogang ikinubli sa “baby bottle sterilizer and dryer” mula sa bansang Laos, matapos masipat gamit ang x-ray scanner.
Nang buksan ang kaduda-dudang bagahe, tumambad ang drogang agad namang isinailalim sa pagsusuri at imbentaryo.
Nahaharap naman sa kasong
paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff
Act) ang dalawang suspek na nakapiit ngayon sa PDEA Custodial Facility.
Sumunod namang nahagip ng mga tauhan ng BOC-Port of Clark, PDEA, BOC-Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Enforcement Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at X-Ray Inspection Project (XIP) ang P3.4 milyong halaga ng shabu sa kargamentong idineklarang “diaper bags” mula sa bansang South Korea.
Nadiskubre ang kontrabando na naglalaman ng limang transparent self-sealing sachets ng drogang nakasiksik sa loob ng backpack at linings ng thermal bags. (JOEL AMONGO)
154