33 AGRI-IMPORTERS KINASUHAN SA DOJ

Nasa 33 importers na pinaniniwalaang sangkot sa malawakang pagpupuslit ng mga produktong agrikultura ang sinampahan ng Bureau of Customs (BOC) ng patong-patong na kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) kamakailan.

Bukod sa mga bulilyasong importer, kabilang din sa mga inasunto ang 11 licensed customs brokers na hinihinalang kasabwat sa agri-smuggling na ayon mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay labis na nagpapahirap sa mga magsasakang Pilipino.

Sa 33 kaso, 22 ang isinampa sa paglabag sa Republic Act 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016).

Sa datos ng ahensya, tinatayang aabot sa P250 milyon ang halaga ng mga agri-product na pinuslit ng mga nakasuhang importers mula Ene­ro hanggang Oktubre ngayong taon.

“From January to date, the Bureau’s Action Team Against Smugglers filed 33 cases before the Department of Justice against 33 importers and 11 customs brokers for unlawful importation of agricultural products. Of the 33 cases, 22 were filed for violation of Republic Act No. 10845, or the Anti-Agricultural Smuggling of 2016,” saad sa kalatas ng kawanihan.

Sa pagtataya naman ng BOC, aabot sa P107.19 milyon ang nawalang buwis sa pamahalaan.
Pagtitiyak naman ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, mas paiigtingin pa ng kawanihan ang paghihigpit sa mga paliparan at pantalang pinangangasiwaan. (BOY ANACTA)

16

Related posts

Leave a Comment