Ni JOEL O. AMONGO
SA hangaring tiyakin ang maayos na pamamalakad sa kalakalang pinangangasiwaan ng Bureau of Customs (BOC), tuluyan nang nilaglag ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang nasa 48 importers bunsod ng kabi-kabilang bulilyaso.
Bukod sa 48 importers, tablado na rin aniya ang 19 licensed customs brokers na pinaniniwalaang kasapakat sa indulto ng mga kumpanyang tinanggalan ng accreditation.
Paliwanag ni Rubio, patong-patong na paglabag ng mga hindi pinangalanang importers sa umiiral na batas at reglamento ng kawanihan ang nagtulak sa BOC para tuluyang alisan ng accreditation ang mga naturang kumpanyang kabilang sa mga sinampahan ng kasong kriminal sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon.
Samantala, nasa P19.22-bilyong halaga ng mga ipinuslit na produkto ang nakumpiska ng BOC mula Enero hanggang Marso.
Ayon sa BOC chief, ang tagumpay na operasyon kontra smuggling ay bunsod ng agresibong pangangalap ng mga impormasyon hinggil sa galaw ng mga sindikato sa likod ng malawakang puslit-kargamento.
Sa talaan ng BOC, nangunguna sa mga kumpiskado ang mga pinekeng produktong may katumbas na halagang P13.249 bilyon. Nasa ikalawang pwesto naman ang agri-products na may halagang P2.552 bilyon, kasunod ang P1.748-bilyong halaga ng smuggled na sigarilyo at drogang may katumbas na halagang P849 milyon.
Pasok din sa talaan ng mga nasamsam ng BOC ang general merchandise, mga produktong bakal, electronics, medical supplies, alahas, pagkain, kemikal, pera, gasolina, at langis.
198