81K LITRONG PETROLYO, NASABAT MULA ENERO

HINDI naging pabaya ang Bureau of Customs (BOC) sa kampanya kontra fuel smuggling. Ito ang giit ng nasabing ahensya bilang tugon sa panukala ng isang kong­resista para sa pagbuo ng bukod na task force na sasagupa sa mga oil smugglers.

Sa ulat ng BOC, ibinida nito ang over 81,000 litrong kanilang kinumpiska sa mga isinasagawang operasyon at pagpapatrolya ng kawanihan sa mga karagatang pasok sa mandato ng ahensya.

Sa isang pagdinig na ipinatawag ng House ways and means committee, hiniling ng BOC sa Kamara ang pagtalakay sa nakabinbing panuka­lang pagbuo ng Joint Fuel Integrity and Field Testing (FIFT) Task Force kasama ang mga kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Energy (DOE), Philippine Coast Guard (PCG), at National Bureau of Investigation (NBI).

Batay sa imbentaryong isinumite sa Kamara ng BOC, lumalabas na 79,740 litro ng krudo, 2,016 litro ng kerosene at dalawang fuel tankers ang kanilang nakumpiska sa mga operasyon kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno.

Bukod sa pagsabat ng mga produktong petrolyo, patuloy rin anila ang kanilang isinasagawang “fuel Marking” na tutukoy sa mga kumpanya ng langis na hindi sumusunod sa reglamento.

Katunayan anila, 28 sa 50 oil terminals ang tapos na nilang suriin, taliwas sa giit ni Albay Rep. Joey Salceda.

Ayon kay BOC Assistant Commissioner Vicente Maro­nilla, hindi naging pabaya ang kanilang ahensya, bagay na pinatunayan ng opisyal maka­raang magsumite ng talaan ng mga kinastigong mga opisyal at empleyado at mga isinampang kaso sa husgado.

10

Related posts

Leave a Comment