(Ni JO CALIM)
ISANG seminar kaugnay sa Magna Carta of Women (RA 9710) ang ginanap sa Port of Subic noong nakaraang linggo na pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC).
Layon ng pagpupulong na may temang “VAW-FREE Community Starts with Me!” na magbigay suporta sa 18-araw na kampanya na “End Violence Against Women 2019” upang wakasan ang karahasan laban sa kababaihan.
Kaya nga kasamang tinalakay sa seminar ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 (RA 9262).
Ilang resource speakers ang dumalo sa seminar kabilang ang dalawang pulis na miyembro ng Philippine National Police-Olongapo City.
Pinangunahan ni BOC Port of Subic District Collector Maritess Martin ang kanyang mga tauhan kasama na ang Gender and Development (GAD) planning group sa seminar.
Kasabay ng seminar, nagkaroon ng film screening ng pelikulang “Bagahe”. Ito ay pagpapakita ng pakikiisa sa 18-araw na kampanya sa End Violence Against Women 2019.
Ang pelikulang Bagahe ay nanalo ng major awards mula sa lokal at international award-giving bodies dahil ito ay may kaugnayan sa overseas Filipino worker (OFW) na nagkaroon ng anak na pagkasilang ay inabandona sa basurahan ng banyo ng eroplano.
Suportado naman ng lahat ng BOC district collection offices ang layunin na wakasan na ang pang-aabuso sa mga kababaihan.
139