TUMATAGINTING na P1.4-bilyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang tuluyan nang winasak ng Bureau of Customs BOC) sa hangaring di na umabot pa sa merkado ang nakumpiskang kontrabando.
Kasabay ng pagwasak ng mga nasabat na sigarilyo sa Barangay Salaan ng lungsod ng Zamboanga, binalaan din ng BOC-Port of Zamboanga (BOC-Zamboanga) ang publiko sa doble-peligrong dala ng mga pekeng sigarilyo.
Paliwanag ni BOC-Zamboanga Customs Intelligence and Investigation Service chief Mike Lanza, gumagamit ng pestisidyo ang kawanihan sa tuwing nagsasagawa ng pagwasak ng mga kumpiskadong kontrabando.
Ayon pa kay Lanza, ang paggamit ng pestisidyo sa proseso ng condemnation ay naglalayon tiyakin di na aabot pa sa merkado ang kontrabando bilang tugon sa mga natanggap na impormasyon hinggil sa di umano’y ginagawang ‘recycling’ ng mga winasak na sigarilyo.
Sa kabuuan, 19,419 master cases at 667 reams ng mga smuggled yosi ang binuhusan ng pestisidyo bago tuluyan wasakin at ibaon sa sanitary landfill sa naturang lungsod.
Sa dami ng kondenadong kontrabando, naka tig-anim na byahe ang apat na 10-wheeler dump truck patungo sa landfill kung saan karaniwang tinatabunan ng lupa anv mga winasak na kontrabandong nasabat ng kawanihan alinsunod sa kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling.
Pagtitiyak naman ni BOC-Zamboanga District Collector Arthur Sevilla, mahigpit na binabantayan ng pulisya ang landfill para siguruhin hindi na kakalkalin ang kontrabandong tinabunan ng lupa.
Nakarating na rin aniya sa kaalaman ng kawanihan ang ‘recycling’ ng hindi tinukoy na mga negosyanteng bumibili ng narekober na sigarilyo sa halagang P5 hanggang P10 kada kaha mula sa mga nangangalahig.
