INALMAHAN ni outgoing Customs Commissioner ang patutsadang inilathala sa isang pitak ng batikang kolumnistang si Cito Beltran.
Sa artikulong lumabas sa pahayagang Philippine Star, hayagang sinabi ni Beltran na mas malaki ang ganansya sa Bureau of Customs (BOC) kumpara sa pagiging Kalihim ng isang departamento, kasabay ng paglalahad ng mga umano’y malawakang katiwalian at smuggling ng langis at agri-products sa iba’t ibang pasilidad na nasa ilalim ng pangangasiwa ng naturang kawanihan.
Giit ni Guerrero, malaki na ang ipinagbago ng BOC kung saan aniya puspusan ang pagpapatupad ng mga reporma sa sistema at prosesong kalakip ng pumapasok at lumalabas na kargamento. Mas masigasig na rin aniya ang pagtukoy at pagkastigo sa mga tiwaling opisyal at empleyado bukod pa sa mataas na antas ng koleksyon nakakalap ng 17 BOC district collection offices.
Patunay rin aniya ng mga repormang naitaguyod sa nakalipas na tatlong taon ang kabi-kabilang ISO Certifications na itinuturing na pandaigdigang pamantayan ng husay ng pribado at pampublikong organisasyon at institusyon.
Sa pinakahuling datos ng kawanihan 12 sa 17 district collection offices ng BOC ang ginawaran ng ISO 9001:2015 Quality Management System (QMS), alinsunod na rin sa 2022 10-Point Priority Program na naglalayong pataasin ang antas ng integridad at kalidad ng serbisyong mandato ng naturang ahensya.
Sa usapin ng katiwalian, mahigpit aniyang pinaiiral ang isang manifesto kontra korapsyon na nilagdaan ng lahat ng opisyal at empleyado ng kawanihan bukod pa sa sigasig ng BOC-PACC Command Group at BOC Anti-Corruption Coordinating Committee na nakatutok at tumutugon sa mga ulat ng iregularidad.
Mula taong 2016, umabot na rin sa 1,456 show-cause orders ang inilabas ng BOC sa mga sablay na opisyal at empleyado. Sa nasabing bilang,688 ang sumailalim sa imbestigasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Pasok din sa ulat ni Guerrero ang paghahain ng 187 administrative cases sa BOC-Legal Service at 164 kasong isinampa sa Office of the Ombudsman. Sa kabuuan, 27 Customs personnel
ang sinibak sa pwesto, 32 naman ang suspendido, 23 ang inisyuhan ng warning, at 209 ang na-relieve sa kani-kanilang pwesto. Bahagi rin aniya ng paglilinis sa kawanihan ang rigodon sa 4,034 opisyal at kawani.
Ibinida rin ni Guerrero ang mataas na koleksyon mula sa taripa, buwis at fuel marking program na mekanismong ginamit ng BOC laban sa fuel smuggling.
Mula 2018, 2,829 kargamentong nagkakahalaga ng P2.51 bilyon, ang nasabat sa iba’t ibang pwertong pinangangasiwaan ng BOC. (ANGEL F. JOSE)
