IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO
INILABAS na ng Bureau of Customs (BOC) noong nakaraang Mayo 10, 2023 ang Customs Personnel Order No. B-64-2023 para sa reassignment/designation ng ilang district collectors at iba pang opisyal ng kawanihan.
Sa Personnel Order B-64-2023 na nilagdaan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ibinalik sa Port of Subic si BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan, kapalit Maritess Martin na inilipat sa Port of Manila.
Ang kontrobersyal na BOC-Cebu District Collector Elvira Cruz, itinalaga sa Port of Clark kapalit ni John Simon na hinirang ni Rubio bilang acting Director ng Internal Administration Group sa Port of Manila.
Inilipat naman si Port of Cagayan de Oro District Collector Alexandra Lumontad sa Port of Limay sa lalawigan ng Bataan, kapalit ni William Balayo na itinalagang Acting Director ng Revenue Collection Monitoring Group (RCMG).
Sa naiwang pwesto ni Lumontad naman inilipat si Port of Davao District Collector Erastus Sandino Austria.
Bigyan naman ng posisyon bilang Director ng Trade Information and Risk Analysis Office sa ilalim ng Post Clearance Audit Group ng Port of Manila si Giovanni Imaysay na dating nakatalaga sa tanggapan ni Rubio.
Sa bisa ng direktiba ni Rubio, nakabalik din si Romeo Allan Rosales sa dating pwesto bilang acting District Collector ng Manila International Container Port.
Sa lawak ng balasahan sa kawanihan, baka kapusin tayo sa espasyo – kaya naman dumako na tayo sa pagtalakay sa rigodon ni Rubio matapos ang 100 araw niya sa pwesto.
Ang totoo, higit na angkop ang regular na balasahan sa 17 BOC district collection offices bilang mekanismo kontra korapsyon – bukod pa sa umiiral na reglamento ng Civil Service Commission.
Kung pagbabatayan ang koleksyon sa iba’t-ibang distrito, marami naman ang nakakahagip sa kani-kanilang target collection.
Pero sa aking abang pananaw, parang hindi sapat.
Hindi limitado sa koleksyon ang mandato ng mga district collector. Marapat din tiyakin ng mga pinagkatiwalaan ng mga sensitibong pwesto na walang makakalusot na ilegal na aktibidades sa kanilang nasasakupan distrito.
Sa tuwing may makakalusot na kargamento, malaki ang nawawala sa gobyerno. Yan marahil ang nasipat ni Rubio.
Bulong sa atin ng isang impormante, simula pa lang daw ang balasahan sa kawanihan. Yan ang ating aabangan.
Para sa sumbong at suhestiyon mag-email joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel# 0977-751-1840
282