INAASAHANG magsasagawa ng balasahan sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos na magpalit ng bagong pamunuan ang Department of Finance (DOF) kamakailan.
Naging kalakaran sa mga departamento ng gobyerno na sa tuwing magpapalit ng pamunuan ay magpapalit din ng mga opisyal nito.
Kadalasan ding ang kalihim ng isang departamento ay may sariling bitbit na pagkakatiwalaan niyang mga tauhan na magiging katuwang sa pagpapatakbo ng kanyang opisina.
Dahil dito, malaki ang paniniwala ng ilang mga taga-Customs at BIR na sa susunod na mga araw ay posibleng magsagawa ng rigodon o pagbalasa sa kanilang mga opisyal.
Sa pag-upo ni bagong DOF Secretary Ralph Recto, sinabi niyang makikipag-usap siya sa mga pinuno ng bawat department at attached agencies nito.
Kabilang sa mga ahensiya na nakapailalim sa DOF ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na pawang mahalagang mga tanggapan ng gobyerno sa pangangalap ng pondo na gagamitin sa gastusin sa mga proyekto nito.
Ang BIR at BOC ay may kanya-kanyang target na dapat nilang abutin sa pamamagitan ng pagkolekta ng buwis, duties and taxes na naaayon sa batas.
Sa dalawang ahensiyang ito nakasalalay ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa na siyang layunin ng bagong talagang si Secretary Recto sa pangangasiwa sa DOF.
Sina BOC Chief Bienvenido Rubio at BIR Chief Romeo Lumagui, Jr., ang magiging katuwang ni DOF Secretary Recto sa pangangalap ng pera para magkaroon ng pondo ang gobyerno.
(BOY ANACTA)
352