SINO SI DAVID TAN NA MATUNOG SA RICE SMUGGLING?

IMBESTIGAHAN NATIN ni JOEL O. AMONGO

SINO nga ba itong si David Tan na pumutok ang pangalan sa usapin ng smuggling ng bigas sa bansa?

Ilang taon na ang nakararaan, nagtakda ang Bureau of Customs (BOC) ng auction sa mahigit 4,600 metric tons ng smuggled rice.

Ang bulto-bultong bigas na ito ay nasabat ng BOC sa shipments ng trading firms na nali-link kay David Tan.

Dalawang magkahiwalay na auctions na itinakda ng Port of Cebu at Manila International Container Port (MICP), na inaasahang kikita ng tumataginting na P149 milyon ang gobyerno.

Ang Port of Cebu ay nag-auction ng 67,340 sako ng smuggled rice, na katumbas ng 3.367-million kilograms noong December 29, 2014.

Ang nasabing shipments ay in-import ng Starcraft International Trading at Silent Royalty Marketing at duma­ting sa Cebu noong October 2013.

Sinabat ito ng bureau dahil ang importer ay hindi nakapagpakita ng kaukulang import permits mula sa National Food Authority (NFA).

Sa kabilang banda naman, ang BOC-Manila International Container Port ay nagtakda ng auction sa 1.3-million kilos ng white at glutinous rice noong December 23, 2014.

Ang kabuuang minimum floor price ay itinakda sa P36.88-million, o P25.84 per kilo ng white rice, at P34.61 per kilo ng glutinous rice. Ang auction ay divided sa ten lots—nine lots sa nasabat na rice shipments ng Intercontinental Grains International Trading, ay 8,780 sako ng white rice, at 6,240 sako ng glutinous rice. Ang isang lot ay binubuo ng 11,441 sako ng white rice na nasabat mula sa Evergreen Cereal.

Ang Bureau ay nagsampa ng magkahiwalay na smuggling-related cases laban sa Intercontinental Grains International Trading, Starcraft International Trading and Silent Royalty Marketing dahil sa unlawful importation ng mahigit sa 65-million kilograms ng bigas na tinatayang umabot ang market value sa mahigit P2.7-bilyon.

Ang David Tan na ito ba ay siya ring si Davidson Bangayan a.k.a “David Tan” na nakitaan ng probable cause ng National Prosecution Service (NPS) at limang iba pa dahil sa anomalous transactions na nagmanipula sa rice importations ng bansa, na penalized under Article 186 ng Revised Penal Code?

Sa isang resolution na may petsang November 5, 2018, sinabi ni Senior Deputy State Prosecutor Miguel Gudio, Jr., nakitaan si Bangayan (David Tan) at isang Elizabeth Faustino ng paggamit ng iba’t ibang multi-purpose cooperatives bilang dummies sa bidding para sa importasyon ng bigas. Ang galing-galing noh!

Nakitaan din ni Gudio ng katulad na modus sina David G. Lim, Judilyne C. Lim, Eleanor C. Rodriguez at Leah Echevariana na nakapag-import ng bigas sa pamamagitan ng mga kooperatiba at namanipula nila ang suplay at presyo ng bigas sa bansa.

Ginisa ng mga ito sa sariling mantika ang mga Pilipino para magkamal sila ng pera kaya dapat magdusa ang mga ito sa kulungan.

Magkakaroon lamang ng hustisya ang kaapihan ng mga Pilipino kung mapapanagot ang mga smuggler na ito na patuloy na pumapatay sa lokal na mga magsasaka.

Itinataon pa man din ng mga smuggler ang pagpasok ng kanilang mga produkto sa Pilipinas tuwing sasapit ang Ber months (Sept., Oct., Nov at Dec.) na mataas ang pangangailangan ng mga tao.

Sa ganang akin, kung ako ang tatanungin, dapat na maisama ang smuggling sa parusang kamatayan.

Pinapatay rin kasi ng mga ito ang ating lokal na mga magsasaka.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

330

Related posts

Leave a Comment