Trak sa SoCot, timbog din SMUGGLED YOSI SILAT SA ZAMBO

MAHIGIT P5.1-milyong halaga ng mga smuggled na siga­rilyo ang kumpiskado sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod ng Zamboanga at South Cotabato.

Unang nasilat ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police – Zamboanga City Mobile Force Company ang dalawang bangkang de motor, na may lulang 62 master cases ng sigarilyong Champion Menthol.

Sa ulat ng pulisya, nagpapatrolya ang mga operatiba ng BOC at PNP nang namataan ang dalawang bangka sa karagatang sakop ng Zamboanga City. Nang sitahin ng mga operatiba, walang naipakitang dokumentong patunay na legal ang mga kahon-kahong sigarilyong lulan ng mga bangkang de motor – hudyat para sa agarang pagsamsam ng mga natiyempuhang kontrabandong tinatayang nagkakahalaga ng P2.24 mil­yon.

Sa imbestigasyon, lumalabas na dadalhin sa Barangay Recodo sa Zamboanga City ang mga nahagip na kargamentong napag-alamang ibiniyahe pa mula sa Jolo, Sulu.

Kumpiskado rin sa Koronadal City ang P2.7 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyong lulan ng isang naaksidenteng trak sa kahabaan ng Gen San Drive sa Barangay Carpenter Hill.

Sa mismong lugar ng insidente, naabutan pa ng mga rumespondeng pulisya ang nagkalat na kontrabandong kinabibilangan ng 28 kahon ng Fort Menthol cigarettes at 51 kahon ng New Berlin red cigarettes.

Sa imbestigasyon, patungo sana sa Tacurong City sa lalawigan ng Sultan Kudarat ang trak nang maaksidente sa Barangay Carpenter Hill.
Wala rin umanong naipakitang kaukulang dokumentong kalakip ng mga lulang kontrabando at permiso para sa pagbibiyahe ng mga naturang sigarilyo ang driver at pahinanteng sakay ng naturang trak.
(BOY ANACTA)

 

Related posts

Leave a Comment