Ni VT ROMANO
INSPIRADO mula sa gold medal conquest ni weightlifter Hidilyn Diaz noong Lunes ng gabi, susubukan ngayong umaga ni Nesthy Petecio na makapagtala ng panalo laban kay Yeni Marcela Arias Castaneda ng Colombia.
Si Petecio, featherweight champion ng 2019 World Boxing Championships, ay magtatangka sa bronze medal sa alas-10 ng umagang bakbakan sa quarterfinals ng 54-57-kg boxing competition sa Kokugikan Arena sa Tokyo.
Kung magwawagi si Petecio laban sa bronze medalist ng 2019 Pan American Games, dalawang panalo na lang ang kailangan niya para sa ginto.
“We will look at the videos of her (Castaneda) fights here,” sabi ng Australian coach ni Petecio na si Don Abnett. “We know her next opponent will be tough, but we’re very confident.”
Noong Lunes ng umaga, dinispatsa ni Petecio ang malaking balakid sa kanyang kampanya sa Tokyo Games na si Chinese-Taipei’s Lin Yu-Ting, na siyang top seed at world’s no. 1, sa pamamagitan ng 3-2 split decision.
Una rito, tinalo muna ni Petecio si Marcelat Sakobi Matshu ng Congo, 5-0.
“Gusto ko manalo ng gold medal para sa bansa, pero alam kong kailangan kong magtrabaho nang husto para makamit iyon,” lahad ni Petecio.
Samantala, sasalang naman
si Eumir Marcial laban kay Younes Nemouchi ng Algeria sa 69-76kgs category sa alas-10:46 ng umaga (Philippine time) sa Huwebes.
Habang si Irish Magno, kagagaling sa 5-0 win kay Kenyan Christine Ongare sa 48-51-kg, sasabak kay Jutamas Jitpong ng Thailand sa alas-12:24.
Sa Sabado naman ang muling pag-akyat sa ring ni Carlo Paalam kontra Algeria’s Mohamed Flissi sa 10:48 am (Philippine time).
Tinalo ni Paalam noong Lunes si Ireland’s Brendan Irvine, 4-1.
175
