CAMP CAPINPIN, Tanay, Rizal — Arestado ang nagsisilbing intelligence officer ng rebeldeng New People’s Army na itinuturing ding high value target ng mga awtoridad sa kanyang safehouse sa Bunducan, Nasugbu, Batangas, alas-9:30 ng umaga ng Huwebes.
Naaresto ng pinagsamang pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang suspek na si Lamberto Asinas, alyas Baste. Siya ang ika-11 mataas na lider at tumatayong Regional Intelligence Officer ng NPA sa Southern Tagalog Regional Party Committee.
Ayon kay Col. Alex Rillera, commander ng 202nd Brigade, natunton ang suspek sa kanyang safehouse dahil sa sumbong ng kanyang kapitbahay na nagduda sakanyang pagkatao.
”We were able to confirm his identity through the help of several former rebels who worked with him before, one of whom was included in the mass surrender last March 29 during the NPA’s 51st anniversary,” saad sa ulat ng AFP at PNP.
Narekober kay Asinas ang cal .45 pistol, mga bala, granada at mahahalagang dokumento. Ipinagharap ito ng kasong Illegal Possesion of firearms and Ammunition sa Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna.
Matatandaan na tatlong linggo na ang nakararaan ay napatay rin ng militar sa engkwentro si Noel Levanta, Metro Manila Regional Party Committee’s Regional Education Bureau nang lumabag sa kanilang ceasefire sa Brgy. Puray, Rodriguez, Rizal.
Gayundin, ang pagkakadakip kay Jaime Padilla, alyas Diegona, tumatayong tagapagsalita ng NPA sa buong Southern Tagalog habang napatay noong nakaraang
Disyembre si Armando Lazarte, alyas Pat Romano ng Antipolo City.
Ayon kay Major Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, Jr., commander ng 2nd Infantry Division, hindi na maituturing na ligtas ang mga NPA sa pamamalagi nila sa Calabarzon area dahil ang mamamayan ay hindi na takot sa kanila at hindi na sila sinusuportahan ng mga ito.
Nabatid na 625 lokal na pamahalaan sa Calabarzon ang nagpasa ng resolusyon na nagba-ban sa mga terorista sa kanilang lugar. CYRILL QUILO
