PATULOY na nakapuwesto sa harap ng planta ng Kawasaki Motors Philippines Corporation (KMPC) sa Lungsod ng Muntinlupa ang mga opisyal ng Kawasaki United Labor Union habang pumapasok na sa ika-36 na araw ang kanilang welga.
Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng KMPC para sa pagkakaisa, bukas na komunikasyon, at makatarungang kasunduan para sa kapakanan ng lahat ng manggagawa.
Ipinaglalaban ng unyon ang 11.5% dagdag-sahod, ngunit ayon sa kompanya na patuloy pang bumabangon mula sa mga pagkaluging dulot ng pandemya ng COVID-19, tanging 5% lamang ang kaya nitong ibigay.
Ipinabatid ng KMPC, na halos anim na dekada nang nanunungkulan sa Pilipinas, na ito ang kauna-unahang pagkakataong nagkaroon ng deadlock sa kanilang negosasyon sa Collective Bargaining Agreement.
(Danny Bacolod)
