SA pagsiklab ng hidwaan sa pagitan ng dalawang estadong dating bahagi ng nalansag na Union of Soviet Socialist Republics (USSR), marami ang nangambang gayundin ang posibleng gawin ng bansang Tsina sa Pilipinas lalo pa’t giit nito ang soberanya sa karagatang bahaging pasok sa ating exclusive economic zone (EEZ).
Mayroon din namang atubili sa nasabing pangamba ng mga makabayang Pinoy. Anila, walang dahilan para sakupin ng Tsina ang Pilipinas.
Sa isang banda, tama rin naman. Walang dahilang gumastos nang malaki para sa isang digmaan ang komunistang bansa sa isang teritoryong pinamumunuan ng mga lider na sunod-sunuran naman sa kanilang kapritso.
Ang totoo, hindi kailangan ng Tsina ang armada sa isang estadong itinuturing nilang probinsya. Tama, probinsya lang ang tingin nila sa bansang dominado na nila sa larangan ng negosyo, kultura, imprastraktura at maging ang gobyernong hitik sa mga opisyal na dugong Tsino.
Gayunpaman, higit na angkop pa rin ang maging handa sa balisawsawing polisiya ng komunistang Tsina.
Kung hindi ang Pilipinas, saan nakatuon ang mata ng Tsina? Saan pa nga ba, eh ‘di sa islang kumawala sa kanilang pangangasiwa – ang Taiwan.
Taong 1949 nang kumalas sa Tsina ang Taiwan sa pamumuno ng yumaong Chang Kai Shek ng Partidong Kumintang. Ito ang panahong hudyat ng pamamayagpag ng komunismo sa kumpas ng noo’y pinunong Mao Tse Tung.
Hindi tulad ng Pilipinas na hilahod, sukdulan na rin ang kaunlarang tinatamasa ng bansang Taiwan. Sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan, hindi hamak na mas malaki ang pakibanang na mahihita ng mga Tsino sa dating teritoryo.
Nitong nakalipas na mga linggo, inalmahan ng Taiwan ang paglipad ng mga fighter jet ng Tsina sa air strip ng Taiwan. Anila, pinupuntirya silang pasukin ng mga komunista.
Gayundin ang ginagawa ng mga Tsino sa West Philippine Sea na pasok sa ating teritoryo. Sa loob ng mahabang panahon, ginawang tambayan at palaruan ng mga sasakyang dagat ng Tsina ang ating karagatan – sukdulang sirain ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino na ang tanging inaasahan ay ang nabibingwit nilang yamang-dagat sa malawak na pangisdaan.
Ang siste, teritoryo na nga ng mga Pilipino pero bawal daw tayo.
Bagama’t may mga diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA), deadma naman ang Pangulo.
‘Yan mismo ang dahilan kung bakit hindi na kailangan pang sakupin ng Tsina ang Pilipinas – nakuha na nila ang Palasyo!
276
