DUMAGSA sa Bureau of Customs ang mga interesadong bumili ng luxury vehicles ng mag-asawang government contractors na sina Pacifico “Curlee” Discaya At Cezarah “Sarah” Discaya na umano’y nasa likod ng multibillion flood control scandal.
Inihayag ng BOC, maraming interested bidders ang nagtungo nitong Huwebes sa Aduana para personal na masilip ang pitong luxury cars ng mag-asawang Discaya na pakay na isubasta sa Nobyembre 20, 2025.
Nabatid na huling araw ngayon ng public viewing ng mga mamahaling sasakyan na nagsimula pa noong Nobyembre 12, 2025. Ang nasabing luxury vehicles ay naka-display sa parking area ng Office of the Commissioner grounds.
May bidders na nagsabing mataas ang itinakdang floor price ng BOC sa mga nasabing sasakyan.
Magugunitang inihayag ng kawanihan na aabot sa mahigit P100 million ang kanilang itinakdang base price at ito ay mabababa dahil sa depreciation rate.
“I just came here to take a look, just in case the price is right. My friends, they are interested to buy,” ayon sa isang interested bidder sa panayam ng mga mamamahayag.
Nabatid na umabot ang accumulated value ng pitong sasakyan na isusubasta sa halagang mahigit P103 million, na may itinakdang floor prices na mula P5 million hanggang P45 million ang pinakamataas.
Toyota Tundra: P4,994,079; Toyota Sequoia: P7,258,800.36; Rolls Royce Cullinan: P45,314,391.11; Mercedes-Benz G500: P7,843,239.43; Mercedes-Benz G63 AMG: P14,104,768; Lincoln Navigator: P7,038,726.14; Bentley Bentayga: P17,311,121.93
Inutos ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ipasubasta ang mga nabanggit na sasakyan matapos makumpirmang walang import entry records and certificates of payment ang mga ito.
Una nang inihayag ni BOC spokesperson Chris Bendijo na naghain ang mag-asawang Discaya ng voluntary forfeiture at hindi na kukuwestyunin ang pagkumpiska sa pitong sasakyan na kasama sa 13 mamahaling sasakyan na nasa kustodiya ng Aduana matapos na mag-isyu ng warrant of seizure and detention sa mga ito.
Subalit napag-alaman din na ang nalalabing anim na sasakyan bagama’t nakitaan ng import entry records, ay may kuwestyunableng payment documents.
Nakahanda umano ang mga Discaya na salungatin ang seizure order ng BOC kaya naghain sila ng “position paper” para sa anim na yunit.
“The auction is part of the BOC’s efforts to recover revenue that rightfully belongs to the Filipino people. We encourage interested bidders to participate and support this initiative, which ensures that public assets are reclaimed and redirected toward national development,” ani Bendijo.
(JESSE RUIZ)
76
