NAKAKUHA ng suporta sina Senador Sherwin “Win” Gatchalian at Sen. Nancy Binay sa isinusulong na Internet Transaction Act mula kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na magpapalakas sa potensiyal ng e-commerce sa paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng ekonomiya kung mawawala ang red tape.
Sa pahayag, sinabi ni Go, lilikha ang panukalang batas na inakda nina Gatchalian at Binay ng E-Commerce Bureau na mamamahala at magpo-promote sa e-commerce sector at magtataguyod din sa karapatan ng kapwa consumers at may-ari ng negosyo na gumagamit ng online transactions.
Layunin din ng batas na mabigyan ng tax exemption ang local at national taxes para sa mga bagong rehistrong micro-businesses sa e-commerce.
“Protektahan po natin ang ating maliliit na negosyo at ating mga online sellers na ang gusto lamang ay maghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya, lalong-lalo na po ngayong panahong ito,” ani Go sa pampublikong pagdinig ng Senate committee on trade, commerce and Entrepreneurship.
“It is my position that the Internet Transactions Act will complement the bill I filed, namely Senate Bill No. 1738, or the E-Governance Act of 2020, which mandates the government to establish an integrated, interconnected, and interoperable information and resource-sharing and communications network, which spans the entirety of the national and local government,” dagdag ni Go.
Noong Hulyo 27, naghain si Go ng SBN 1738 na layong pabilisin, gawing episyente, epektibo at bawasan ang red tape sa pagseserbisyo sa publiko.
Aniya, ang red tape sa national at local government ang nagpapabagal sa kakayahan ng maliliit na negosyo na lumago at makalikha ng trabaho. (ESTONG REYES)
