NAG-REQUEST na ang gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Police Organization (Interpol) na magpalabas ng red notice laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque kaugnay ng di umano’y qualified human trafficking.
Ayon kay Winston Casio, tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), naisumite na ang kahilingan para sa isang international arrest warrant.
“Mahirap lang kasi nagpo-project siya na siya diumano ay biktima ng political persecution… Wala namang ganun. Lahat nakadepende sa ebidensiya,” ani Casio sa isang panayam.
Noong Mayo, ipinalabas ang mga warrants of arrest laban kina Roque, Lucky South 99 representative Cassandra Ong, at 48 iba pa para sa qualified human trafficking na may kaugnayan sa umano’y scam hub ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga. Ayon sa PAOCC, nakolekta nila ang ebidensiya ng torture, kidnapping, at sex trafficking, at nailigtas ang 158 na dayuhang empleyado mula sa nasabing hub.
Mariing itinanggi ng Lucky South 99 ang alegasyon. Samantala, inamin ni Roque na sinamahan niya si Katherine Cassandra Ong sa PAGCOR upang ayusin ang problema ng Lucky South 99 POGO hub, ngunit itinanggi niyang siya ay naging abogado ng kompanya.
Base sa ulat, lumipad si Roque patungong Netherlands at humiling ng asylum, ngunit na-deny ito at napaulat na siya ngayon ay nasa Germany. Samantala, si Ong ay huling namataan sa Japan at nakatakdang patawan din ng Interpol red notice.
Ang mga kaso laban kina Roque at Ong ay isinampa noong Abril 2025, at patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad.
(CHRISTIAN DALE)
70
