Inton: anti-corruption o pulitika sa 2028? RESIGN SARA MUNA NG AKBAYAN KADUDA-DUDA

NAGPAHAYAG ng pagdududa ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa pahayag kamakailan ng isa sa mga lumahok sa Nov. 30 anti-corruption rally na pumapabor pagbitiwin muna sa pwesto si Vice President Sara Duterte bago hingin ang pagbaba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Binanggit ni Atty. Ariel Inton, presidente ng LCSP, na sa isang panayam ng True FM kay AKBAYAN President Rafaela David ay kinumpirma nitong tatanggapin nila ang mga nagnanais makiisa sa kilos protesta kahit “VP SARA RESIGN” ang panawagan ng mga ito at nirerespeto rin nila ang panawagang “MARCOS RESIGN”. Pero para sa mga kasama nila sa koalisyon ay “we will cross the bridge when we get there” ang tugon.

Malabo naman aniya kung anong koalisyon ang tinutukoy ni David lalo pa’t hindi niya ito ipinaliwanag sa nasabing panayam.

Binanggit ni Inton ang magkakaibang pahayag ng iba pang grupo. Ayon aniya sa grupong TINDIG, walang panawagang resignation, at accountability lamang ang sigaw nila sa rally. Ang iba naman ay “RESIGN BOTH” at ang mga grupo na gustong idemanda ni Jonvic Remulla ng inciting to sedition ay “RESIGN BBM”.

Tanong ni Inton: Ano ba ang solusyon sa korupsyon para kay David — tanggalin muna si Sara para maipasok ang vice president mula sa hanay nila at saka pa lang sipain si BBM?

O mas ayaw lang nila kay Sara kaya kayang tiisin ang isyu ng umano’y korupsyon na ibinabato kay Marcos Jr.?

Ayon pa kay Inton, iginagalang niya ang ilang kasapi ng AKBAYAN tulad ni Atty. Chel Diokno ngunit tila may ‘tagong agenda’ aniya ang mga ito lalo na deklarado si Senadora Risa Hontiveros na tumakbo bilang pangulo sa 2028.

Sa huli, tanong ni Inton na tila pabirong may patama: “O baka may usapan na?!”

(JULIET PACOT)

63

Related posts

Leave a Comment