Inuuna ang kandidatura ni Duterte – solon KURYENTE PINABAYAAN NI CUSI

(BERNARD TAGUINOD)

NANINIWALA si Deputy minority leader Carlos Zarate na nagpabaya si Energy Secretary Alfonso Cusi sa tungkulin na tiyaking may sapat na supply ng kuryente sa bansa lalo na sa Luzon dahil mas inuuna nito ang pulitika at pagtutulak kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente sa susunod na eleksyon.

Hindi tinanggap ni Zarate ang pahayag ng Department of Energy (DOE) na “on top” sila sa sitwasyon dahil kung totoo aniya ito ay hindi manganganib ang supply ng kuryente sa magkakasunod na tatlong araw.

Si Cusi na vice chairman ng PDP-Laban ay nanguna sa PDP-Laban party national assembly noong Lunes kung saan ang pangunahing agenda ay himukin si Duterte na tumakbong bise presidente sa 2022 elections.

Habang abalang-abala aniya si Cusi sa pulitika ay isinailalim ng National Grid Coporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon sa yellow at red alert status dahil sa pagnipis ng supply ng kuryente.

“Kung sila ay on top of the situation hindi mangyayari yan,” ani Zarate na nagsabing mas malala ang sitwasyon sa supply ng kuryente sa Luzon kung hindi nagkaroon ng pandemya.

Dahil sa pandemya, maraming pagawaan at negosyo ang nagsara kaya hindi dapat nangyari ang mga nangyayari ngayon na nauubusan ng supply ng kuryente,” pahayag pa ng mambabatas.

 

Kontrata pinarerebyu

Hinamon din ng mambabatas si Cusi at maging si Pangulong Rodrigo Duterte na rebyuhin ang power supply agreements (PSA) na pinasok ng gobyerno sa energy companies upang malaman kung pabor o hindi ito sa mga consumer.

“Sa nangyayari kasi ngayon ay laging dehado ang mga consumers lalo pa at 3 araw nang naka-yellow alert at 3 araw nang naka-red alert. Kesyo sabay-sabay daw kasing nasira ang mga power plants pero mula 2012 pa ganun na ang nangyayari,” anang mambabatas.

Mula 2012 aniya ay laging nasisira ang Sual power plant, Calaca power plant at Pagbilao power plant at maging ang Malaya thermal power plant at ngayon ay kasama na sa mga nasisira ang GN Power, SCPC, SLPGC at SLTEC.

“Why is it that they always have to break down at the same time when demand is highest? Di talaga masisisi ang consumers na mag-isip na niluluto ito para tumaas ang singil sa kuryente,” ani Zarate.

204

Related posts

Leave a Comment