KASALUKUYANG nagsasagawa ng simulated invasion drill ang Philippine Army na nakapaloob sa kanilang “Combined Arms Training Exercises” (CATEX) Katihan.
Ito ang pinakamalaking Combined Armed Training Exercise na ikinasa ng Philippine Army na sasalihan ng humigit kumulang sa 6,000 sundalo kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo.
Ayon kay Philippine Army commander, Lt. Gen. Roy Galido, kinabibilangan ng large-scale formations na gagalaw mula Visayas at Mindanao patungo sa Luzon, ang nasabing malawakang pagsasanay ng mga sundalo.
Paliwanag ni Gen. Galido sa isang pulong balitaan, sa pamamagitan nito ay sini-simulate ng Hukbong Katihan ang mga tropa para sa posibleng security situations na may sasalakay o magtatangkang sasakop sa Pilipinas.
“‘Yung ilalagay mo sa isang lugar ‘yung maraming units from different parts of the country. Kumbaga sini-simulate mo ‘yung possible security situation na may sasakop sa ating bansa. Ngayon, this will entail moving units from Visayas, Mindanao, to Luzon,” ani Galido.
“Ito po ay ginagawa natin para ma-ensayo po ang mga units natin sa bagong tungkulin nito na i-defend ang ating lupa. Paliwanag pa ng heneral, ngayong unti-unti nang pumipihit ang Sandatahang Lakas sa external defense.
Aniya, layunin nito na ma-ensayo ang mga unit ng PH Army sa kanilang bagong tungkulin na depensahan ang teritoryo ng Pilipinas.
Noong Abril 10, 2024 , isinagawa ang send-off ceremony ng mga sundalong lalahok sa Combat Readiness Training Area sa Laur, Nueva Ecija na bahagi ng Combined Arms Training Exercise ng Hukbong Katihan na nilalayong masubok ang kapabilidad ng mga tropa sa move, maneuver, and sustain large-scale forces sa kasagsagan ng combat operations.
(JESSE KABEL RUIZ)
